.

October 2003   

PAHAYAG NG
Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista
 

Manggagawang Pilipino:
Para sa mga Maka-Uring Protesta Laban sa Pagbisita ng Imperyalistang Pinuno!

Talunin ang Digmaang Estados Unidos – Arroyo – AFP sa mga Mamamayang Moro! Talunin ang mga Kolonyal na Mananakop ng Iraq!

Ang Rebulosyonaryong Grupo ng mga Komunista ay nananawagan sa lahat ng anak-pawis na kumilos para iprotesta ang pagdating ni George w. Bush, ang lider ng nangungunang imperyalistang bansa sa mundo. Importanteng maipakita ng mga manggagawang Pilipino ang maka-uring kapangyarihan laban sa Imperial Visit at ang lumalaking interbensyon ng imperyalismong U.S. sa Pilipinas at sa Timog Silangang Asya. Ang Kapangyarihang Manggagawa ay kinakailangang pakilusin para talunin ang ang imperyalistang pananakop at kolonyal na okupasyon ng Iraq at Afghanistan. Mga aksyong manggagawa tulad ng piket protest, sit-down strikes, walk-outs at work stoppage at ang mga boykot sa paggagawa ng mga kargamentong pandigma ang magpapakita sa imperyalismong U.S., ang mga alyado at mga sunod-sunuran tulad ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang kaaway sa uri ng manggagawang Pilipino at ng masang manggagawa ng mundo

Mahalaga rin na maipakita ang paglaban sa nangungunang papet ng imperyalismong E.U. sa Timog Silangang Asya, ang burgis na rehimeng Arroyo na, tulad ng kanyang amo, ay naglulunsad rin ng maka-uring pakikidigma sa manggagawang Pilipino, mga mamamayang Moro at lahat ng inaapi sa ilalim ng “pakikidigma laban sa droga at terorismo”. Samantalang ang repormistang kaliwa (kasama ang CPP, Sanlakas at iba pa) ay kumikilos upang makapag-buo ng mga “popular na prente” sa mga kurap na burgis na oposisyon, ang mga manggagawang Pilipino ay kinakailangang maipakita na ang rehimeng Arroyo at ang burgesyang Pilipino sa kabuuan ay ang local na papet ng imperyalismo sa Pilipinas at kinakailangang mawalis sa pamamagitan ng rebolusyong manggagawa.

Hindi dapat mag-alangan ang uring manggagawa sa mga pananakot ng rehimeng ito na “aarestuhin ang lahat ng mga magpo-protesta sa October 18” dahil matagal nang ginagawa ng rehimeng ito hindi lang ang pang-aaresto kundi ang mga brutal at bayolenteng dispersal ng mga protesta at pagkilos. Hindi rin dapat mag-alangan ang uring manggagawa sa mga panawagan ng mga burgis na pulitiko na “hindi naaangkop ang mga protesta sa pagdating ni Bush upang hindi magiging kahiya-hiya ang Pilipinas sa mata ng mundo” kundi i-protesta ang ginawang pagwasak at paglapastangan ng E.U., mga kakampi nitong mga imperyalista at “kaibigang” gubyerno sa mga mala-kolonyal na bansa. Kinakailangan ring galit nitong tuligsain ang E.U. at mga kakampi nito sa patuloy na pag-presyur at pananakot sa mga depormadong estado ng mga manggagawa tulad ng North Korea, China, Vitnam at Cuba, ang paglalagay ng mga mersenaryong tropang Amerikano sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, at ang pagpatay, panghuhuli at pag-atake sa mga manggagawa at iba pang mga tinaguriang maka-kaliwang grupo.

Ang maka-uring kapangyarihan ng mga manggagwa ay hindi hamak na mas malaki kaysa kapangyarihan ng naghaharing burgesya, na umaasang patuloy nitong dambungin nito ang bansa sa tulong ng mga bayoneta ng E.U. Ang imperyalismong E.U. ang numero unong terorista sa mundo, at ang lahat ng pananakot ay naglalayon lamang na mapigilan at lagyan ng busal ang anumang protesta at pagkilos laban sa aroganteng pagbisita na ito. Ang Vietnamese na masang anak-pawis ang tumalo sa Pranses at Amerikanong imperyalista at ang manggagawang Pilipino ang nagpalayas sa militar ng E.U. noon.

Kaya naman sa darating na October 18, mga kapatid na babae at lalaki sa uri, salubungin ng galit si Bush at Arroyo, ang nangungunang imperyalista at ang kanyang nangungunangn taga-sunod, ang mga kaaway sa uri ng mga manggagawa ng mundo ng paglaban at makapangyarihang mga aksyong manggagawa.

TALUNIN ANG KOLONYAL NA OKUPASYON NG ESTADOS UNIDOS AT BRITANYA SA IRAK!

PARA SA MGA AKSYONG MANGGAWA PARA TALUNIN ANG MALA-KOLONYAL NA PAKIKIDIGMA NG E.U. AT REHIMENG ARROYO SA MINDANAO SAAN MANG LUGAR SA PILIPINAS!

ANG “DIGMA SA TERORISMO” NI BUSH AT ARROYO AY PAKIKIDIGMA PARA GULUHIN ANG URING MANGGAGAWA SA PILIPINAS AT MUNDO!

PARA SA INTERNASYONAL NA SOSYALISTANG REBOLUSYON NA MAGWAWALIS SA IMPERYALISMO AT BURGESYANG PILIPINO!

October 13, 2003
Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista


To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com

Return to THE INTERNATIONALIST GROUP Home Page