.

Marso 2003  


PAHAYAG NG
Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista 
HINGGIL SA DIGMAAN SA IRAQ

TALUNIN ANG IMPERYALISMONG U.S.!!! 
DEPENSAHAN ANG IRAQ!!!

TALUNIN ANG AGRESYON NG IMPERYALISMO AT NG LOKAL NA URING BURGESYA SA URING MANGGAGAWA AT MAMAMAYANG MORO SA PILIPINAS!!!

(LABANAN ANG IMPERYALISTANG DIGMA NG MAKA-URING PAKIKIDIGMA SA PAMAMAGITAN NG MGA PROLETARYONG AKSYON!!!)

Ang buong mundo ay tinulak na naman ng imperyalismong U.S., ang kaisa-isang superpower ng mundo sa isa na namang digmaang agresyon, na ayon na rin sa sarili nitong mga opisyal ay kakikitaan ng paggamit ng lahat ng klase ng malalakas na kagamitang pandigma (kasama rito ang mga MOAB o “mother of all bombs,” ang pinakamalakas na kumbensyonal na bomba sa mundo, at mga depleted uranium bullets na nakasasanhi ng kanser) na hawak ngayon ng U.S. laban sa Iraq. Isang imperyalistang digmaan ng agresyon na maaaring magtulak sa sangkatauhan tungo sa isang bagong digmaang pandaigdig na mas madugo, at mas malawak sa nakaraang dalawang Digmaang Pandaigdig at sa isang nukleyar na digmaan. Kasabay nito, sa ilalim ng “kapa” ng Balikatan 03-1 “military exercises”, ang mga tropang agresyon ng U.S. kasama ang mga tropang Pilipino ay sinumulan ang mga militar na operasyon dito sa Pilipinas bilang “pangalawang larangan” ng “pandaigdigang digmaan laban sa terorismo”.

Ang RGK, kasama ang iba pang mga tunay na rebolusyonaryo-Trotskyistang grupo sa ibang bansa ay nananawagan para sa pagkatalo ng imperyalistang digmaang agresyon ng U.S. sa Iraq at depensahan ang Iraq. Ang RGK ay nananawagan din para sa pagkatalo ng mga militar na operasyon na inilulunsad ng mga tropang U.S. at Pilipino sa Mindanao at iba pang lugar sa Pilipinas, at depensahan ang MILF at CPP-NPA, na target ngayon ng mga operasyong militar sa ilalim ng Balikatan 03-1 exercises sa pamamagitan ng mga aksyong manggagawa. Nananawagan rin ang RGK sa uring anak-pawis na depensahan ang mga sarili laban sa mga reaksyonaryong atake na dulot ng agresyong militar ng Balikatan 03-1.

AGRESYON SA IRAQ PART 2: 
PAGPAKO NG HEGEMONYA NG IMPERYALISMONG U.S.

Tulad ng agresyon sa Serbia noong 1996, ng imperyalismong U.S. at kanyang mga katoto, sa ilalim ng “paggiya” ng United Nations (U.N.), ang pangunahing dahilan ng imperyalistang pananakop sa Iraq ay HINDI para labanan ang tinatawag na “axis of evil”, o sa simpleng dahilan ng langis (kung titingnan, 12 porsyento lamang ng pangkabuuang supply ng langis ng U.S. ang ina-angkat mula sa Gitnang Silangan, o kaya nama’y tungkol ito sa “Weapons of Mass Destruction” kung saan ang U.S. din naman ang nag-supply ng mga “punlang” materyales at teknolohiya kay Hussein noong Digmaang Iran-Iraq, at lalong-lalo hindi sa obsesyon ni Bush na tanggalin si Hussein, KUNDI ay,  muling pwersahin ang buong mundo na tanggapin ang pulitikal, militar, at ekonomyang hegemonya ng imperyalismong U.S. at ang lahat ng lumalaban at nagpa-planong labanan ang hegemonyang ito ay dudurugin at tatapusin.

Ang ganitong pananaw ng burgesya ng U.S. ay sumasalamin sa bago nitong doktrinang militar na “pre-emptive strike” ng gang ni Bush, na kung babalikan ang papel – “Defense Strategies of the 1990’s” na sinulat ng dating Sekretaryo ng Digma na si Dick Cheeney). Ang dokumentong ito ay nananawagang mapigilan ang paglaban ng mga nakikitang kalaban ng imperyalismong U.S. kasama na ang: mga kakumpitensyang imperyalistang bansa (France, Russia, Germany na ayaw sumama sa isang digma na dominado ng U.S. sa Iraq); mga natitirang depormadong estado ng mga manggagawa (China, North Korea, Cuba at Vietnam) at lahat ng kilusan at organisasyong “anti-U.S.” at anti-imperyalista. Ang ganitong doktrina ay isinakatuparan matapos ang pagbagsak ng nabulok na estado ng manggagawa ng Soviet Union (na nagsilbing kontra-balanse sa mga imperyalistang ambisyon ng U.S. sa mahigit na 70 taon, at ang pagmamayabang ng “kamatayan ng komunismo” na nagbigay daan sa bagong papel ng imperyalismong U.S., ang nag-iisang superpower ng mundo.

Ang Iraq, na pinatatakbo ng isang burgis-nasyonalistang rehimen na pomupusturang lider ng mga bansang arabo laban sa Israel at U.S. ay gagawing halimbawa ng U.S. sa buong mundo (na hindi nagtagumpay noong 1991) kung paano padapain at durugin ang isang bansa na hindi susunod sa nag-iisang superpower-imperyalista sa mundo, ang U.S. Kaya naman kahit hindi sumama ang mga kakumpitensyang imperyalistang bansa, at kahit na ang kaya lang nitong buuin ay “coalition of the willing” (hindi katulad noong 1991) – kasama ang pinaka-papet na burgesyang Pilipino na pinangungunahan ni Arroyo, pilit pa ring aatakehin at dudurugin ng U.S. ang Iraq maipakita lang ang kanyang lakas sa buong mundo.

Bilang mga rebolusyonaryong mga Trotskyista, nanawagan kami na depensahan ang Iraq mula sa maka-isang panig na imperyalistang digmaan na ito na nilulunsad ng U.S. Tulad ng nabanggit ni Trotsky na sa tingin namin’y kahalintulad na sitwasyon noong 1930’s. ng sakupin ng Japan ang China: 

“Sa Malayong Silangan mayroon tayong klasikong halimbawa. Ang China ay isang mala-kolonyal na bansa na tinatransporma na Japan sa ilalim mismo na ating mga mata, tungo sa isang kolonyal na bansa. Ang pakikibaka ng Japan ay imperyalista at reaksyonaryo. Ang pakikibaka ng China ay mapagpalaya at progresibo.” 
- Leon Trotsky, “On the Sino-Japanese War” (23 September 1937)
Sinulat din niya: 
“Ang kilusan ng uring manggagawa ay hindi dapat manatiling nyutral sa pagitan ng mga nagnanais na mang-alipin at doon sa mga inaalipin. Ang kilusan ng uring manggagawa sa China, Japan at buong Mundo ay dapat labanan ng buo nitong lakas ang mga imperyalistang tulisang Hapones at suportahan ang mamamayan ng China at ang kanilang hukbo.” 
- Leon Trotsky “Pacifism and China” (25 September 1937) 


Malinaw na malinaw kung sino ang mang-aalipin at kung sino ang bansang aalipinin sa digmaan ng U.S. laban sa Iraq. Kaya naman kami’y nanawagan: TALUNIN ANG IMPERYALISMONG U.S.!! DEPENSAHAN ANG IRAQ!!

BALIKTAN 03-1: 
AGRESYON SA URING MANGGAGAWA AT MAMAYAN NG PILIPINAS 
NG IMPERYALISMONG U.S. AT NG BURGESYANG PILIPINO

Sa kabilang banda, sa ilalim ng “kapa” ng Balikatan “military exercises” 03-1, ang mga utak gerang militarista sa White House ay sinusulong ang kanilang “pangalawang larangan” ng agresyong militar dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng “assistance at training” sa naliligo na sa dugo na tropang militar na Pilipino sa “counter-terrorist techniques” na nangangahulugan ng mga magkakasamang operasyong militar laban sa mga tinatawag na teroristang grupo. Kasama sa mga hahabulin na nirekomenda ng mga mapanghanap ng gera sa Malakanyang ay ang Abu Sayyaf Group (ASG), ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang Communist Party of the Philippines (CPP), at ang armadong sangkap nito na New Peoples Army (NPA).

Sa pagtutukoy sa MILF, at CPP-NPA, kasama ng ASG (na orihinal na binuo ng “psychological terrorist” na intelligence Service – Armed Forces of the Philippines o ISAFP bilang kontrang organisasyon laban sa Moro National Liberation Front, MILF, at NPA) bilang mga “teroristang” grupo, ang burgesyang estado na pinamumunuan ngayon ni Arroyo, ay iwinawasiwas ngayon ang itak nito upang takutin, guluhin, atakehin at durugin ang lahat ng grupo, organisasyon, kilusan, at mga indibidwal na sumusuporta sa mga nabanggit. Kung sa ngayon, ito pa lamang ang mga grupong hayagang inaatake ng burgesyang estado, makaka-asa tayong lahat ng ang mga atake ay kakalat sa iba pang grupong lumalaban sa naghaharing uring burgesya, at sa imperyalistang dominasyon. Sa dulo ang mga atakeng ito ay magpo-pokus sa mga batayang organisasyon ng mga manggagawa, pesante, kabataan, kababaihan, ang mamamayang Moro, at iba pang pambansang minoridad. 

Kaya naman kahit na napakalayo ng mga programa ng CPP-NPA - kung saan ang grupong ito ay isang Maoistang organisasyon na pilit pa ring tinutulak ang bangkaroteng teorya ng “sosyalismo sa iisang bansa” at ang nasyonalista, anti-manggagawang “pambansa-demokratikong rebolusyon”  - sa mga pananaw ng RGK (proletaryong internasyonalismo, pandaigdigang sosyalistang rebolusyong/rebolusyong manggagawa at permanenteng rebolusyon), nananawagan pa rin kami na depensahan ang mga ito. Sa kabilang banda, bagamat nananawagan kami na depensahan ang MILF, hindi namin sinusuportahan ang pulitika nito at ang panawagan nitong itatag ang isang Islamic State, subalit, bilang mga rebolusyonaryong proletaryo, kinikilala namin ang MILF bilang isa sa mga grupong nakikibaka para sa indipendensya ng Mindanao bilang karapatan ng mga mamamayang Moro na sinakop ng imperyalismong U.S. at burgesya Pilipino.

Ang “Gera sa Terorismo” at ang digmaan sa Iraq na pinamumunuan ngayon ng mapaghanap ng gera na si Arroyo at ng imperyalismong U.S. na pinamumunuan ngayon ng gangster na si Bush ay isa lamang sa mga susi upang buksan ang pinto ng panibagon maka-uring pakikidigma laban sa uring manggagawa at mamamayan ng Pilipinas at buong mundo. ANG KALABAN NG URING MANGGAGAWA AT NG MAMAMAYAN NG BUONG MUNDO AY HINDI ANG IRAQ, KUNDI, ANG PINAKAMALAKING TERORISTANG PWERSA SA BUONG MUNDO, ANG IMPERYALISMONG U.S.!! Sa Pilipinas, ang kalaban ng uring manggagawa, pesante at ang lahat ng iba pang sektor ay ang imperyalismong U.S. at ang uring burgesyang Pilipino na humahawak ng kapangyarihan sa mahigit nang pitumpong taon ngayon matapos bigyan ng mala-kolonyal na “independensya” ng kanyang imperyalistang U.S. na amo noong 1935, at patuloy na sumusuporta sa lahat ng aksyon, desisyon at galaw na ginagawa ng imperyalistang amo nito.

LABANAN ANG IMPERYALISTANG DIGMA NG MAKA-URING PAKIKIDIGMA 
SA PAMAMAGITAN NG MGA AKSYONG NAKASENTRO SA PROLETARYO: 
SAGOT NG URING MANGGAGAWA SA IMPERYALISTANG AGRESYON SA IRAQ 
AT GERA LABAN SA URING MANGGAGAWA AT MGA MAMAMAYAN NG PILIPINAS

Bilang mga proletaryong internasyonalista, malinaw na kailangang labanan ang bagong digmaan ng agresyon ng U.S. at lokal papet na uring burgesya na pinamumunuan ngayon ni Arroyo. Subalit ano ang tamang programa ng paglaban?

Sa kasalukuyan, ang pinaka-popular na programa sa pakikibaka laban sa digmaang ito ay sa pamamagitan ng “kapayapaan” at “anti-war” na pagkilos na nananawagan sa burgesya at imperyalistang U.S. na itigil na ang digmaan at pag-usapan ang mga diperensya sa pamamagitan ng mga “mapayapang paraan” at pagbibigay daan sa mga U.N. inspectors (na sa katotohanan, ay paniniktik ng CIA sa Iraq) at sa United Nations mismo na maki-alam. Ang ganitong programa ay kasalukuyang tinutulak ng mga “nag-aastang” maka-kaliwang grupo (mula sa mga Stalinista, Maoista, mga nagpapanggap na Trotskyista hanggang sa mga sagad-sagaring repormista) hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Subalit ang ganitong programa sa totoo lang ay pagmamaka-awa lamang sa uring burgesya at imperyalismo ng magkaroon ng “maawain” o kaya’y magkaroon ng “maka-taong” mukha na, sa esensya ay, pagmamaka-awa na dahan-dahanin ang takbo ng atake, supresyon at gera sa uring manggagawa at mamamayan ng mundo. Hindi ito ang katangian ng naghaharing uring burgesyaat imperyalismo na tinutulak ng kompetisyon at dominasyon.

Ang “kapayapaan” at “anti-war” na programa ng mga nagkukunwaring maka-kaliwang grupo sa aktwal, ay pagtali sa uring manggagawa at mamamayan ng mundo sa uring burgesya at imperyalismo. Ang ganitong programa ay nagtutulak rin sa uring manggagawa, pesante, at iba pang mamamayan lalong-lalo na ang kabataan na galit na sa digmaan at agresyon ng U.S. at burgesyang Pilipino tungo sa ilusyon ng repormismo. Repormismong lumalason sa kamulatan ng uring manggagawa, sa paninindigan nitong makibaka laban sa sistemang kapitalismo, at makibaka para sa sosyalismo at rebolusyong manggagawa.

Ang RGK, kasama ang iba pang mga tunay na rebolusyonaryong Trotskyista sa ibang bansa ay nananawagan para sa maka-uring pakikidigma laban sa imperyalistang digmaan ng agresyon sa Iraq sa pamamagitan ng mga pagkilos na naka-sentro sa uring manggagawa na maaaring tumungo sa mga rebolusyong manggagawa. Kami rin ay naninindigan na tanging sa pamamagitan lamang ng mga rebolusyong manggagawa mapipigilan ang digmaan ng agresyon ng U.S. at iba pang mga imperyalistang bansa at mga lokal na tuta na naghaharing uri, at hindi sa pamamagitan ng pagmamaka-awa sa burgesya at imperyalismo mapipigilan ang digmaan na tulad ng ginagawa ngayon ng mga nagkukunwaring maka-kaliwang grupo.

Ang maka-uring pakikidigmang ito na naka-sentro sa mga proletaryong aksyon ay nananawagan sa uring manggagawa na mapakilos nito ang natatanging kapangyarihan – ang kapangyarihang pigilin ang pagdaloy ng produksyon- at independente ito sa lahat ng bahid ng pulitika ng burgesya. Kasama sa mga aksyon ay: Ang pagtanggi na ibiyahe ang mga armas pandigma patungong Iraq; Manawagan para sa militar na pagdepensa ng Iraq; Talunin ang imperyalistang digmaang ito ng U.S.; at, manawagan para sa mga strike ng manggagawa para labanan ang digmaan ng agresyon. 

Sa Pilipinas kung saan ang lokal na uring burgesya ay nakatali ng isang-libo’t isang hibla sa imperyalismo, nananawagan ang RGK sa uring manggagawa na: 
 

- Manawagan para sa pagkatalo ng digmaan ng agresyon ng imperyalismong U.S. at depensahan ang Iraq; 

- Manawagan para sa pagkatalo ng mga panibagong militar na kampanyang supresyon ng burgesyang estado at dayuhang tropa sa Mindanao at iba pang lugar sa Pilipinas at para sa pagdepensa ng pakikibaka laban sa kolonyalistang okupasyong militar; 

- Kilalanin ang karapatan para sa independensya mula sa estado ng Pilipinas ng mga mamamayang Moro na patuloy na inaatake simula pa noong panahon ng Espanya, ng mga tropang pangolonya ng U.S. na naglunsad ng mga malawakang pagpatay (tulad ng Jolo masaker ng 1906) ng sila ay dumating mahigit 100-taon na ang nakalipas, at sa ilalim ng mala-kolonyal na estado ng Pilipinas;

- Para sa sosyalistang pederasyon ng Timogsilangang Asya na maaaring magbigay ng tunay na pagpapalaya sa mga mamamayan at mga pambansang minoridad sa rehiyon; 

- Labanan ang pangkalahatang paghihigpit sa seguridad ng estado sa pamamagitan ng mga aksyong manggagawa; at, Para sa pagdepensa sa sarili na nakasentro sa uring manggagawa gbubuo upang salagin ang mga atake ng burgesya at estado. 

TUNAY NA REBOLUSYONARYONG PARTIDO: 
SUSI NG URING MANGGAGAWA SA PAKIKIBAKA NITO PARA PALAYAIN 
ANG SARILI MULA SA MGA NAGKUKUNWARING KALIWA AT URING BURGESYA

Mahalaga na ang lahat ng aksyon at panawagan ng uring manggagawa ay dapat independente sa mga “anti-war” at “kapayapaang” kilusan ng mga burgis na pulitiko at mula sa burgesya mismo dahil ang mga ito ay kaaway sa uri. Ang mga “anti-war” na grupo ng mga burgis na pulitiko o kapitalista (pambansang burgesya / liberal na burgesya / oposisyong burgesya), ay tutol lamang sa mabilis at agresibong paraan na ang digmaan ay tumutungo. Importante ring na labanan ang mga iskema ng mga Stalinista, Maoista, at iba pang nagkukunwang maka-kaliwang grupo na isanib ang burgis na “anti-war” sa uring manggagawa dahil patungo lang ito sa lason at ilusyon ng repormismo. Ang mga ganitong “prenteng popular” ay nagreresulta lamang ng mga pagkatalo para sa uring anak pawis, gaya ng nangyari sa mga “people’s power” na kilusan ng EDSA1 at EDSA2. Bilang pagtutol sa mga ganitong class-collaborationist na anti-war na kowalisyon, ang RGK ay nananawagan ng paglaban sa imperyalistang digmaan sa pamamagitan ng mobilisasyon ng proletaryado sa ilalim ng isang rebolusyonaryong maka-uring programa.

Kaya naman mahalaga na buuin ang isang tunay na rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa upang masiguro na ang pakikibaka ng uri ay madireksyonan tungo sa independenteng pagkilos at paglaban sa imperyalismo at lokal na uring burgesya. Ang tunay na rebolusyonaryong partido ang magsisiguro na ang lahat ng mga aksyon at panawagan ng uring manggagwa ay independente at hiwalay sa lahat ng aksyon ng burgis at nagkukunwaring-kaliwa para sa “kapayapaan”. Ito rin ang magtutulak sa uring manggagawa na tumindig para sa kanyang uri at makibaka para sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan mula sa burgesya at sipain ang kuko ng imperyalismo dito sa Pilipinas at hindi lamang maging kabahagi ng “pambansang-demokratiko / burgis-demokratikong” rebolusyon kung saan ang uring manggagawa ang “kabayo” at ang burgesya ang “hinete” ng rebolusyon (tulad ng nangyari sa EDSA1 at EDSA2). 

Ang isang tunay na internasyonal na rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa ang magsisiguro na ang pakikibaka para sa pagtatagumpay ng uring manggagawa ay hindi lang makukupot sa Pilipinas, kundi, umabot sa iba pang bansa lalong-lalo na sa mga imperyalistang bansa, nang sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, ang agresyon ng imperyalismo at lokal na papet na naghaharing uri nitolaban sa uring manggagawa at mamamayan ng mundo, ang patuloy ng kagutuman at kasalatan, at ang 300-taong pagsasamantal at opresyon ng kapitalismo sa uring manggagawa, sangkatauhan, at kapaligiran ay tuluyan nang matigil. Ang RGK bilang kabahagi ng internasyonal na kilusang Trotskyista ay kumikilos tungo rito. Maging kabahagi ng makasaysayang pakikibakang ito. SUMAPI SA RGK!!

TALUNIN ANG IMPERYALISMONG U.S.!! DEPENSAHAN ANG IRAQ!!

PARA SA MAKA-URING PAKIKIDIGMA NA NAKA-SENTRO SA PROLETARYONG AKSYON LABAN SA IMPERYALISTANG DIGMA!!

TALUNIN ANG MGA SUPRESYONG MILITAR SA URING MANGGAGAWA AT MAMAMAYANG MORO SA PILIPINAS!!

DEPENSAHAN ANG CPP-NPA AT MILF AT ANG PAKIKIBAKA LABAN SA KOLONYALISTANG OKUPASYONG MILITAR!!

PARA SA MGA BAGONG REBOLUSYONG OKTUBRE SA BAGONG MILENYO!!

PARA SA TUNAY NA REBOLUSYONARYO-TROTSKYISTANG PARTIDO SA PILIPINAS BAHAGI NG MULING BINUONG IKA-4 NA INTERNASYONAL NI LEON TROTSKY!!

REBOLUSYONARYONG GRUPO NG MGA KOMUNISTA
Marso 24, 2003

Makipag-ugnayan sa RGK!! E-mail address: rgk7@hotmail.com 



To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com

Return to THE INTERNATIONALIST GROUP Home Page