.

Setyembre 2003   

Tila Soap Operang “Pagtatangkang Coup” sa Pilipinas

Ang mga Kalituhan sa Insidente ng Hulyo 27

MAYNILA – “Ku –Ku – Ro – Ku!” ang tilaok ng manok moong madaling araw ng Hulyo 27 kung saan mahigit 200 mga opisyales at tauhan ang pinalibutan at inokupa ang Oakwood Hotel sa Makati (ang sentro ng pangangalakal sa Metro Manila). Ang mga “mutineers” (ang katawagan ng ilang burgis na mamamahayag) na tinawag ang mga sarili bilang “Magdalo Group” – na tumutukoy sa paksyong Magdalo ni Emilio Aguinaldo, isa sa mga lider ng Katipunan, noong Burgis na Rebolusyong Pilipino ng 1898 (na naging kauna-unahang Presidente ng Unang Burgis na Republika ng Pilipinas) – at nanggaling sa lahat ng serbisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang mga lider nito ay mga nakababatang opisyal (mula sa ranggong kapitan pababa) ng AFP. Ang grupo mismo ay pangunahing kinabibilangang ng mga highly skilled, at ispesyalisadong sangay ng AFP na nasa unahan ng counter-insurgency na kampanya ng militar.

Nanawagan sina Army Captain Gambala, Navy Lieutenant Trillanes at Maestro-Campo – tatlo sa mga lider ng mutineers - na bumababa na sa kapangyarihan sina Arroyo, Kalihim ng Depensa na si Reyes, at pinuno ng Intelligence Service Armed Forces of the Philippines na si Corpus (subalit bago sila “nakumbinsi” na sila ay “bumalik sa kani-kanilang mga barracks”, binawasan nila ang kanilang kahilingan, athiningi na lang ang mga ulo nina Reyes at Corpus). Binato nila ng paratang ng korapsyon mismo sa militar, tinutukoy rito ang malawakang pagbebenta ng mga armas ng mga opisyal ng Kagawaran ng Depensa, particular na si Reyes at sa AFP. Sinabi ng mga nakababatang mga opisyal na ang mga armas na binenta ay napunta sa mga kamay ng mga maka-kaliwa at Muslim na rebelde na kanilang nilalabanan.

Inakusahan rin nila ang ilang mga matataas na opisyal ng AFP ng paglulunsad ng mga pambobomba at pag-atake sa mga Muslim na populasyon sa Mindanao na ibibintang naman sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang “teroristang grupo”.

Sa paglipas ng mga oras, ang mga “coup plotters” (katawagan ng iba pang burgis na midya) at ang rehimeng Arroyo ay parehong nagmatigas sa kani-kanilang mga posisyon, at ni hindi bumigay sa mga kahilingan ng katunggali. Seryosong-seryosso ang mukha ni Arroyo ng humarap sa midya at nagbigay ng ultimatum na dapat sumuko ang mga mutineers ng alas-5 ng hapon (na inusog ng alas-7 ng gabi). Ang mga senador, kasama rito si Gregorio Honasan, at ilang mga retidradong heneral ay nagmamadali at paroo’t-parito na nakipag-negotiate para magkaroon ng mapayapang kalutasan ang “tunggalian”.

Sa pagsapit ng alas-7 ng gabi (ang inusog na ultimatum ni Arroyo), ang tinawag na mutiny ay nagtapos sa pagsang-ayon ng Magdalo Group na bumalik sa barracks basta’t sisiguruhin ng rehimen na ang mga lumahok sa insidente (maliban sa core ng mga opisyal) ay hindi parurusahan at ang core ng Magdalo Group lamang ang aako ng responsibilidad. At sa tila madramang soap opera, natapos ang mutiny.

Samantala, ilan sa mga “mainstream” (o peke) na kaliwa ay nagmamadaling ialay ang kanilang suporta sa Magdalo Group. Ang Party Information Bureau ng Maoista / Stalinistang Communist Party of the Philippines ay naglabas ng pahayag na sumusuporta sa Magdalo Group. Sinabi ng CPP-PIB na “sumasang-ayon ang CPP sa tatlong pangunahing rebelasyon ng mga rebeldeng opisyal ng AFP. Sa pahayag ng grupo na binasa kaninang umaga ni Major Gerardo Gambala, nilantad ng rebeldeng grupo ang malawakang korapsyon ng mga nakatataas na opisyal, ang direktang pagkakasangkot ni Kalihim ng Depensa Reyes at Pinuno ng ISAFP Hen. Corpus sa pambobomba sa Davao at ang plano ng naghaharing grupong Arroyo na panatilihin ang sarili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng imposisyon ng martial law sa Agosto.” Ang tagapag-salita ng CPP, na si Gregorio Rosal, ay nanawagan sa mga “opisyal at tauhan ng militar may mga lehitimong karaingan na ‘lalong palalimin ang kanilang pagka-intindi kung bakit ang AFP ay nasa patalong tahakin at kung bakit ang rebolusyonaryong digmaang bayan ay nasa tumpak at papanalong tahakin at malawakang sinusuportahan ng bayan’.” Nanawagan rin siya sa mga “nakababatang opisyal na totoo at matapat na para sa bayan ‘sundan ang tradisyon ni Lt. Crispin Tagamolila na sumapi sa rebolusyonaryon kilusan o humanap ng paraan para makipag-koordina at makipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan’.” Si Lt. Tagamolila ay nanggaling sa AFP at sumapi sa pinamumunoan ng CPP na New People’s Army noong 1970’s.

Sa kabilang banda ang Lagmanistang sentor ng unyong paggawa na Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay nag-mobilisa ng 5,000 katao matapos ang insidente ng Hulyo 27 kasabay ng State of the Nation Address ni Arroyo sa Kongreso para hilingin “na sagutin ng gubyernong Arroyo ang mga akusasyon ng mga sundalo”. Isa pang grupo, ang Stalinistang Partido ng Manggagawang Pilipino, ay pinalalabas bilang isang burgis na nasyonalistang grupo ang Magdalo Group. Nang tanungin si Ramani da Silva, internasyonal na tagapag-salita ng PMP, ng Australianong repormistang Green Left Weekly (ika-6 ng Agosto) kung paano niya inilalarawan ang pulitikal na perspektiba ng mga mutineers, sinabi nito na: “Sila ay tinutulak ng malakas ng nasyonalistang sentimyento, pero sila ay bago at hilaw pa sa pulitika.” Sinabi rin nito na ang Magdalo Group ay “isang bagong henerasyon ng mga sundalo na lehitimong hindi nasisiyahan sa mga kondisyon sa loob mismo ng militar.”

Sa lahat ng suporta ng mga “mainstream na kaliwa,” kahit mismo ang mga ordinaryong masang manggagawa ay tinitingnan ang Magdalo Group bilang “bagong sipa” sa tipong karnabal na pulitika na naging natural na katangian na ng pulitikang Pilipino, marami ang nagtatanong kung ang Magdalo Group ay totoong rebolusyonaryo.

Nagbababala ang Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista na ang Magdalo Group ay nagbabalik-tanaw sa mga pag-aalsa ng mga hard-line na nakababatang opisyal sa Latin America noong 1980’s na naglunsad ng mga cuartelezos (pag-aalsa sa mga barracks), na tindig nasyonalista samantalang nananawagan ng mas matinding counter-insurgency na gera (na pinipinansyahan, sinu-suplayan at pinapayuhan ng Pentagon) laban sa mga maka-kaliwang rebelde. Na bagamat hindi maikukumpara ang Magdalo Group sa Reform the Armed Forces Movement o RAM na pinamunuan ng noo’y Colonel Gregorio Honasan na nag-instiga ng kudeta laban sa diktador na si Ferdinand Marcos na sa kalauna’y tinawag na EDSA 1 (ang tinawag na pag-aalsang “People’s Power” na sa katotohana’y inilunsad ng militar) noong 1986, na nanguna rin sa mga pagtatangkang kudeta sa rehimeng Aquino noong mga huling mga taon ng dekada 80, ang kanilang maka-uring interes ay kasingtulad ng sa RAM – iyon ay, imintina at palakasin ang paghahari ng lokal na burgesya.

Ang mga mutineers una at higit sa lahat, ay mga anti-komunista at anti-Moro. Pinatunayan ito ng kanilang pagkakalagay sa mga yunit na nasa harapan ng mga operasyong counter-insurgency (tulad ng Light Reaction Company), urban warfare (“anti-terorista”), at demolisyon, at ang katotohanang ang kanilang pangunahing kahilingan (korapsyon sa AFP, atbp.) sa esensya ay nananawagan sa AFP at sa mismong burgis na estado na maglunsad ng isang mas matigas at mabigat na kampanya laban sa tinatawag na “red manace” at mga “teroristang Moro”. Para sa mga rebolusyonaryong komunista, importanteng maintindihan ang pagkakahanay ng mga puwersa ng uri at hindi ang basta-basta na lang na pagbibigay ng suporta sa mga grupo at puwersa na hiwalay sa uring manggagawa. Elementarya para sa mga komunista at at kahit na sinong mulat na manggagawa na alamin kung sino ang kaaway.

Sa kaso ng Magdalo Group, malinaw na sila ay isang grupo ng mga nakababatang opisyal at tauhan na hindi nasisiyahan sa paraan ng kanilang mga kurap na nakatataas sa AFP at sa gubyerno na pangasiwaan ang programang counter-insurgency. Hindi sila “bagong henerasyon” ng mga sundalo na “lehitimong hindi nasiyahan sa mga kondisyon” gaya ng gusting palabasin ng PMP. Ang tinawag nilang kudeta, mutiny, o kahit ano pa mang katawagan ng burgis na mamamahayag sa pagkuha sa Oakwood ay nakatuon upang palakasin ang mga institusyon (tulad ng AFP) na nagpapanatila at nagpo-protekta sa naghaharing uri at sa mapagsamantalang kapitalistang sistema. Sa paglulunsad ng isang soap operang “mutiny”, pinipresyur nila ang burgis na estado na maglunsad na isang mas mabigat at matigas na opensiba laban sa mga “kaaway” (hal. ang mga manggagawa, mga mamamayang Moro, at mga pinagsasamantalahan).

Kaya naman hindi nakapagtataka na ang mga tinatawag na “mainstream na kaliwa” tulad ng CPP, PMP at BMP ay binigay ang kanilang suporta para sa anti-komunistang kumpol ng mga sundalong ito. Ang mga “mainstream na kaliwa” na ito, para mapunuan ang kanilang oportunistang programang popular na prente, ay inakap ang Magdalo Group bilang “isang bago at hilaw pa sa pulitika” at pinayuhan na “lalong palalimin ang kanilang pagka-intindi”, na para bang hindi naintindihan ng Magdalo Group na ang kanilang kaaway ay ang mga manggagawa at lahat ng inaapi!

Ang mga grupo ng mga pekeng kaliwa na tinitingnan ang mga “mutineers” bilang mga “nasyonalita” ay pilit tinatakpan ang kanilang mga mata, tenga, at bunganga mula sa katotohanan, na sa bawat gawing “alyansa” ng uring manggagawa sa mga tinatawag na “progresibo at makabayang puwersang militar, ito ay laging nagreresulta ng madugong pagkatalo at pagkawasak ng uring manggagawa (ang alyansa ni Stalin kay Chiang Kai-shek sa Tsina noong 1925-27, na nagresulta sa masaker ng Shanghai noong Abril 1927; ang pagsuporta ng Partido Komunista ng Indonesia kay Sukarno, na tumungo sa pagkatay ng 1 milyong maka-kaliwa at unyonista noong 1965; at ang ilusyon ni Allende sa mga “konstitusyonalistang” opisyal ng militar na pinamumunuan ni Pinochet sa Chile na nagresulta sa madugong cuop sa Santiago noong 1973 ay ilan lamang sa mahabang listahan). Hindi nakapagtataka na ang mga “maka-kaliwang” ito ay paulit-ulit na isinasantabi ng burgis na oposisyon sa EDSA 1 (na pinamunuan ng “dilaw na kilusan” ng namatay nang batang-CIA Benigno Aquino kasama sila Enrile at Ramos) noong 1986 at EDSA 2 noong 2001 (na pinangunahan nina Arroyo, Ramos, de Venecia, at ang maka-kapitalistang Council for Philippine Affairs).

Ang susi para sa uring manggagawa atmga rebolusyonaryong mag-isip na mga militante hinggil sa Hulyo 27 na insidente ay malinaw na makita ang pangangailangang bumaklas sa “tradisyon” ng pakikipag-alyan sa isang paksyon ng burgesya, at ang pangangailangan na bumaklas sa pekeng kaliwa na patuloy na nakikipag-alyansa sa burgesya. Ang RGK ay nakikibaka laban sa nagtataksil na “tradisyon” at kumikilos upang maitayo ang isang tunay na banggardista rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa na mamumuno sa mga pakikibaka ng mga manggagawa upang hubaran ang kanilang kaaway sa uri, ang burgesya (kasama na ang iba’t-ibang paksyon ng oposisyong burgesya). Ang daanan patungo sa mapagpasyang tagumpay ng uring manggagawa ay sa pamamagitan ng programa ng permanenteng rebolusyon – ang programa ng Rusong Rebolusyong Oktubre ng 1917 – laban sa Stalinista at sosyal-demokratikong maka-uring kolaborasyon at mga popular na prenteng alyansa na tulad ng ginagawa ng CPP, PMP, at ng BMP.

Ang RGK ay nananawagan sa mga manggagawa, kababaihan, at mga rebolusyonaryong mag-isip na indibidwal na malinaw na nakikita ang elementaryong pagkaka-iba sa pagitan ng maka-uring interes ng mga anti-komunistang puwersa na lumahok sa insidente ng Hulyo 27 at ang mga bangkaroteng oportunistang pulitika ng pekeng kaliwa na makipag-ugnayan sa amin sa rgk7@hotmail.com o kaya sa internationalistgroup@msn.com o kaya ay bumisita sa www.internationalist.org website para sa karagdagang kaalaman.

Setyembre 20, 2003

Sentral na Grupo

REBOLUSYONARYONG GRUPO NG MGA KOMUNISTA


To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com

Return to THE INTERNATIONALIST GROUP Home Page