.

Disyembre 2004  

PAHAYAG NG
Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista

Matapos ang Hacienda Luisita Masaker –
Mga Manggagawang Piipino: Depensahan ang mga Striker sa Asukalan!

Ang Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista ay nananawagan sa mga manggagawa, pesante, kababaihan at mga kabataan na magkaisa upang aktibong depensahan ang mga piket layn ng mga naka-strike na manggagawa ng Hacienda Luisita! Nananawagan rin kami sa Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) at sa United Luisita Workers Union (ULWU) na tanggapin ang anumang suporta – mapa-moral, pinansyal, at maging pisikal na suporta – na ipinapa-abot ng iba pang manggagawa, pesante, urban poor, kababaihan, at kabataan ano man ang maging organisasyonal na apilyasyon at tendensiya nito. Ang brutal at madugong dispersal sa piket lay sa Hacienda Luisita, na pag-aari ng mga Cojuangco, pamilya ng dating presidente na si Cory Aquino, ay pananakit sa ating mga kapatid sa uri na lalaki at babae! Sigaw naming mga Trotskyista: Ang pananakit sa isa, ay pananakit sa lahat! Kinakailangang kumilos ang uring manggagawa sa buong Pilipinas na manawagan sa agarang pagpapalayas ng mga militar at pulis, at ipagtagumpay ang mga kahilingan ng mga striker ng Hacienda Luisita!

Ang karumal-dumal na aksyon laban sa mga naka-strike na ginawa ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) noong Nobyembre 16, na kumitil sa buhay ng 14, kasama ang 2 bata (dahil hindi makahinga na dulot ng mga teargas), ay dapat na iprotesta sa pamamagitan ng mga strike ng pakikiramay ng mga manggagawa hindi lamang ng Tarlak kundi maging sa buong industriya ng asukal – kung saan ang mga manggagawa ng Central Azucarera de Bais sa Bais City sa Negros Oriental (CAB) ay naka-strike din – at lalo na sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng mga Cojuangco tulad ng Philippine Long Distance Telephone Company at San Miguel Brewery, dito sa Metro Manila. Kinakailangang makibaka ang mga militante para sa mga ganitong strike ng pakikiramay ng mga manggagawa at empleyado na naglalayong maabot ang lahat ng pang-masang organisasyon ng mga manggagawa, anuman ang kanilang pulitikal na tendensiya, hindi lamang mula sa nakapaloob na mga unyon sa Kilusang Mayo Uno o KMU (na kaalyado ng popular na prentistang BAYAN), ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP na kaalyado ng popular na prente na SANLAKAS, at ng National Federation of Labor (NFL) – kung saan ang CAB Employees Union o CABEU ay kasapi.

Partikular na sa kasalukuyang konteksto, kung saan ang Pilipinong manggagawa ay sumasailalim sa malawakang ng gubyerno ni Gloria Macapagal Arroyo, na sinusuportahan ng rehimeng Bush sa U.S., ang strike ng mga manggagawa sa asukal ay hindi dapat naka-hiwalay sa kabuuang pakikibaka ng uri. Ang napakalaking lakas ng organisadong uring manggaawa ay kinakailangang mapakilos upang sumuporta sa mga naka-strike na manggagawa sa Luisita at Bais! Ang laban ng mga manggagawa sa Luisita at Bais ay dapat dalhin ng kilusan ng uring manggagawa imbes na humingi ng katubusan sa pamamagitan ng interbensyon ng burgis na estado – kay Arroyo, sa burgis na kongreso at sa Department of Labor and Employment.

Ang mahigpit na katanungang kailangang sagutin ay ang patuloy na militarisasyon ng Hacienda Luisita kung saan sa bawat mahalagang interseksyon ay may mga militar at security checkpoint. Kinakailangang ipanawagan ng kilusan ng uring manggagawa tanggalin ang lahat ng militar, pulis at mga armadong grupo na anti-manggagawa – naka-uniporme man o hindi – tulad ng kinatatakutang “Yellow Army”, ang pribadong milisya na anti-komunista ni Danding Cojuangco. Kinakailangang magkaroon ng aktibong pandepensa sa mga piket layn ng mga unyon ng CATLU, ULWU at CABEA sa Central Azucarera de Tarlac at Bais sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga guwardyang pandepensa laban sa mga operasyong eskirol. Ang mga unyon ng lahat ng tendensya, kabilang na rin ang mga organisasyon ng pesante, urban poor, kababaihan at kabataan ay makakatulong sa pagsisikap na ito, na maaaring makapagbigay ng inspirasyon sa mga manggagawa sa buong bansa. Itayo ang mga militanteng piket layn ng masa na walang sinumang makakabuwag!

Pakiki-isa sa mga naka-strike na manggagawa ng Hacienda Luisita! Paabutin ang piket layn sa pusod ng imperyo ng mga Cojuangco! Para sa mga aksyong strike ng pakikiisa sa Metro Manila at sa buong industriya ng asukal!

Sa harap ng madugong atake sa Luisita at sa strike ng mga manggagawa sa Bais, kami ay nagbibigay-babala sa kilusang manggagawa na hindi dapat umasa sa interbensyon ng estado. Ang interbensyon ng estado sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa ilalim ng mapandurog ng unyon na probisyong “Assumption of Jurisdiction” ang nagresulta ng Luisita Masaker. Ang manawagan para sa pagre-resign ng kalihim sa paggawa, ni Patricia Santo Tomas, at ang interbensyon ng dominado ng mga kapitalista at panginoong maylupa na Kongreso, tulad ng ipinanawagan ng popular-prentista na BAYAN at ng repormistang sosyal-demokratiko na AKBAYAN, ay mapupunta lamang sa wala. Ang BAYAN at AKBAYAN ay nagpapakalat lamang ng mapanganib na ilusyon na ang burgis na estado ay marereporma sa pamamagitan ng popular-prentista nitong programa na nagtatali sa uring manggagawa sa burgesya. tingnan ang nangyari sa EDSA 1 at EDSA2! Ang programa ng popular na prentismo tulad ng mga grupong BAYAN, AKBAYAN at SANLAKAS ay nagsisilbi lamang na kaliwang pabalat ng burgesya sa pagpapanatili ng dominasyon, pagsasamantala, at opresyon nito sa masang manggagawang Pilipino!

Samantala, ang alyado ng SANLAKAS na Partido ng Manggagawa (PM) Party List ay nananawagan na rebyuhin ang strike law at magbuo ng “independenteng” kinatawan na mag-iimbistiga sa pangyayari ay punong-puno lamang ng kahanginan. Malinaw pa sa sikat ng araw na ang mga naliligo na sa dugo na AFP at PNP ang gumagawa na ng mga ganitong atrosidad laban sa mga organisasyon ng uring manggagawa, kababaihan at kabataan noon pa man! Kasama na sa patong-patong na krimen ng AFP at PNP ay ang gera laban sa mga mamamayang Moro, ang pambobomba ng mga inosenteng sibilyan sa mga lugar Muslim at Kristiyano (ayon na rin sa anti-komunistang grupo ng mga rebeldeng militar na Magdalo). Ang AFP at PNP ang armadong kamao ng uring kapitalista at panginoong maylupa kasama ang mga kulungan, korte at batas nito!

Dahil sa limitasyon nito bilang isang party list, bago pa man ay nalimitahan na ng PM ang sarili na makipaglaban sa “hangganan laman ng isinasaad ng batas”. Subalit ang “batas sa kalupaan” ay binuo ng mga kapitalista at panginoong maylupa upang mai-angkop sa mga pangangailangan nito. Tingnan ang nangyari noong Nobyembre 16! Ang “batas” na “Assumption of Jurisdiction” ng DOLE ang nagtulak sa army at pulis na paputukan ang mga manggagawa sa Hacienda Luisita! Kinakailangan ang isang proletaryong rebolusyon na maglalagay sa uring manggagawa bilang naghaharing uri, na maglulunsad ng ekspropriasyon ng mga kapitalista at panginoong maylupa, upang matapos na ang mga ganitong masaker. Ang pagtatatag ng isang rebolusyonaryong estado ng mga manggagawa na naglalayong paabutin ang sosyalistang rebolusyon sa mga imperyalistang sentro ay kinakailangan upang sa wakes ay mawalis na ng tuluyan ang paghahari at dominasyon ng burgesya, ang estado nito kasama na ang mga mapang-aping korte at kulungan, ang linta na burukrasya, ang armadong puwersa at pulis nito na naliligo na sa dugo ng masang anak-pawis!

Ang kinakailangan ay isang maka-uring liderato na higit sa lahat ay nagtuturo sa uring manggagawa at sa lahat ng inaapi na bumaklas mula sa lahat ng kontrol ng burgesya, ng estado nito at ng mga kaliwang pabalat nito. Ang uring manggagawa ay dapat na makibaka para sa rebolusyonaryong pulitikal na independensya mula sa mapanlasong impluwensya na ito at mula sa ilusyunadong programa ng popular na prente na itinutulak ng iba’t-ibang “mainstream” (s.e., repormista) na maka-kaliwang grupo upang mulat na makasulong sa pakikibaka hindi lamang para sa mga pang-ekonomiyang panawagan kundi para rin sa proletaryong rebolusyon. Kinakailangan niyan ang isa tunay na rebolusyonaryo-internasyonalista na partido ng mga manggagawa na dala ang programa ng permanenteng rebolusyon na tulad ng ginawa ng mga Bolshebik noong 1917 sa Rusya. Ito ang pinaglalaban ng RGK na itayo.


– Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista, Disyembre 5, 2004


To contact the RGK, write to rgk7@hotmail.com

To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com

Return to THE INTERNATIONALIST GROUP Home Page