|
. |
Mayo 2003
PAHAYAG NG
Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista
BUMAKLAS SA POPULAR NA PRENTE NG PEKENG KALIWA!!
PARA SA MAKA-URING PAKIKIDIGMA NA NAKASENTRO SA MGA PROLETARYONG
AKSYON LABAN SA U.S. / BRITISH NA IMPERYALISTANG OKUPASYON NG IRAQ AT SA
AGRESYON NG U.S. AT BURGESYANG PILIPINO SA URING MANGGAGAWA AT MASANG ANAK-PAWIS!!
Ang Rebolusyonaryong Grupo ng mga Komunista, kasama ang Liga para
sa Ika-Apat na Internasyonal / Internasyonalistang Grupo at ang Rebolusyonaryo
Komunistang Organisasyon, ay nananawagan sa uring manggagawa dito sa Pilipinas
at buong mundo na labanan ang imperyalistang okupasyon ng U.S. at Britain
sa Irak at ang imperyalistang agresyon ng mga tropang militar ng U.S. sa
Pilipinas sa pamamagitan ng maka-uring pakikidigma na naka-sentro sa mga
proletaryong aksyon na naglalayong magpapatigil sa pagtakbo ng industriya
ng kapitalismo at imperyalistang digamaan at agresyon at hindi sa pamamagitan
ng mga simbolikong pagkilos para tutulan ang digmaan na sinusulong ngayon
ng mga organisasyon at partido na nag-aastang maka-kaliwa sa pamamagitan
ng pagbubuo ng mga “Popular na Prente” o “Democratic Front”. Nananawagan
din kami sa uring manggagawa na pangunahan ang paglaban sa mga pagkilos at
aksyon ng burgesyang Pilipinong pinamumunuan ngayon ni Arroyo, na naglalayon
ng ibayong paghihigpit ng kanilang paghahari dito sa Pilipinas at makibaka
para sa pampulitikang independensya nito mula sa burgesya.
Sa nakalipas na kampanya laban sa imperyalistang gera sa Iraq ng U.S., malinaw
na hindi umuubra ang mga rally at mga protesta ng mga Maoista / Stalinista
at iba pang pekeng kaliwa - na bumuo pa ng mga “Popular na Prente” o “People’s
Front” na mga kowalisyon na kasama ang mga oportunista at burgis na pulitiko
– upang mapigilan ang imperyalistang digma (na kung tutuusin, pangunahing
katangian naman talaga ng imperyalismo). Hindi rin nito napigilan ang pagpasok
ng mga tropang mersenaryo ng imperyalistang U.S. sa Pilipinas upang “tumulong”
sa naliligo na sa dugo na AFP na atakehin at durugin ang lahat ng mga grupong
lumalaban sa imperyalismo at Kritiyano-Sobinistang burgesyang Pilipino. At
kahit na magpaulit-ulit pa ang mga rali sa EDSA upang tutulan ang pagpapasa
sa batas ng Anti-Terrorism Bill, gagawa at gagawa ng paraan ang burgesyang
estado upang mas lalo nitong mapahigpit ang paghahri sa uring manggagawa,
pesante, kababaihan, kabataan, mga mamamayang Moro at iba pang pambansang
minoridad. Ang tanging nagawa ng mga “popular na prenteng” binuo ng mga pekeng
kaliwa (kasama na ang mga Maoista, Stalinista, mga Sosyal-Demokrata, mga
nagpapanggap na Trotskyista at iba pang bahid nito) ay mga simpleng simbolikong
pagtutol lamang at hindi, ni katiting, pumigil sa tila-asong ulol na makina
ng pakikidigma ng imperyalistang U.S. at Britain pati na ang mga galaw at
aksyon ng “Super-puppet” na burgesyang Pilipinong pinamumunuan ngayon ni
Arroyo.
Sa kabilang banda, ang mga nag-aastang mga maka-kaliwang “underground” na
partido lalo na ang Communist Party of the Philippines / New Peoples Army
at ang Marxist-Lenninist Party of the Philippines / Rebolusyonaryong Hukbong
Bayan na nanawagan ng “Matagalang Digmang Bayan” at “Maka-uring Digma Laban
sa Imperyalistang Pananakop” ay wala ring pupuntahan sa kadahilanang hindi
nito kinikilala ang tunay na mga kontradiksyon sa tunggalian ng mga uri at
naka-batay lamang ang pagtatagumpay sa lakas militar sa pagitan ng mga gerilyang
hukbo at AFP. Pangalawa rito, ang mga Maoistang mga partido na ito ay patuloy
na tinatangkilik ang bangkrap na teoryang “Gerilyaismo” - ang paglulunsad
ng mga aksyong militar laban sa mga indibidwal na target na hindi naman makapag-papabagsak
sa paghahari ng burgesya at magbibigay ng daan ng pag-agaw sa pampulitikang
kapangyarihan ng uring manggagawa. Dagdag pa, ang paglulunsad ng digmaan
ng mga Maoistang ito ay naka-batay rin sa lakas at lawak ng mga binuo ng
mga itong “underground people’s front” na kasama ang ang “pambansang” burgesya
na kaaway rin sa uri ng uring manggagawa para “labanan” ang imperyalismo
at ang ka-uri nitong burgesya, ay napatunayan na sa kasaysayan na walang
kinahahantungan (Indonesia 1965, Chile 1973 at marami pang ibang madugong
pagkatalo) kundi ang pag-agaw ng burgesya sa pampulitikang kapangyarihan
sa uring manggagawa na sa kalaunan ay ang pagkadurog ng mga organisasyon
at partido nito.
Ganito rin sa esensya ang programa ng iba pang “underground” na Stalinistang
partido kung saan, ipinipilit na ipasok sa kamulatan ng uring manggagawa
ang bangkaroteng teoryang Menshebik na ang pakikibaka ng uri sa pangunahin
ay, “para sa demokrasya”, o kaya naman’y “para sa nyutralisasyon ng mga lokal
na pamahalaan ng burgesya”. Tulad ng mga Maoista, isinusulong ng mga underground
na Stalinistang partidong ito ang anti-Leninistang konseptong “Gerilyaismo”.
Ang tanging kaibahan ng mga ito ay ang taktika kung paano maipapalusot ng
maayos ang mga bangkaroteng teorya ni Stalin ng hindi kasing kapangalan ng
mga terminolohiya ng mga Maoista. Tulad rin ng mga Maoista, ang mga underground
na Stalinistang partido, na nag-aastang para daw sa uring manggagawa, ay
nakikipag-alyado rin sa mga kaaway ng uring manggagawa na “progresibo” o
“liberal” na burgesya upang maipagtagumpay ang mga “demokratikong” pakikibaka
ng uri. Kaya naman ang mga manggagawa, pesante, kababaihan, kabataan at iba
pang sektor na nasa ilalim at naabot ng mga partidong ito ay nagkakaroon
ng mga maling ilusyon na kayang “presyurin” ang burgesya at ang estado nito
na ibigay ang ilan o kung tawagin nila’y mga “partial” demands ng mga demokratikong
kahilingan. Sa kalaunan, ang ganitong programa ng mga nag-aasatang “maka-manggagawa”,
“sosyalista”, “Leninistang” partido ay nagtutulak sa uring manggagawa tungo
sa repormismo. Repormismong unti-unting lumalason sa uri upang makibaka na
lamang para sa pagpapaganda ng exploytasyon ng sistemang kapitalismo at huwag
na munang makibaka para sa rebolusyong manggagawa at sosyalismo.
Ang mga “Popular na Prente” / “People’s Front” / “Democratic
Front” ay hindi nakakatulong sa uring manggagawa para sa pakikibaka laban
sa burgesya, BAGKUS, ang mga ito ang siya pang mga balakid sa rebolusyonaryong
pakikibaka ng uring manggagawa para sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika
at sosyalismo. Kaya naman mahalaga na makabaklas ang uring manggagawa at
ang masang anak-pawis sa lahat ng anyo ng “Pupolar Front”, na pilit tinatangkilik
ng mga pekeng kaliwa, upang masiguro ang pagtatagumpay ng kanyang rebolusyonaryong
pakikibaka laban sa imperyalismo at sa burgesyang estadong pinamumunuan ngayon
ni Arroyo.
Ang uring manggagawa, dahil sa katangian nitong nakakalat sa
lahat ng bansang mayroong industriya, ang kawalan ng pribadong pag-aari,
at ang kanyang sosyal at pang-ekonomiyang papel sa moda ng produksyon, ang
tanging may kapasidad upang labanan ang maka-uring pakikidigma ng imperyalismo
at burgesya. Sa pangunguna ng pinaka-abanteng sektor nito, ang organisadong
kilusan ng mga manggagawa, kaya nitong pigilin at paluhurin ang buong sistemang
kapitalismo at lumaban sa digmaang inilulunsad ngayon ng imperyalismo pati
na rin ang mga atake at agresyon ng super-tutang burgesyang Pilipino. Magmula
sa mga simpleng pagpapahayag ng protesta ng mga unyon at mga militanteng
pagkilos tulad: ng pagtutol na pumasok sa kanilang mga trabaho bilang protesta
sa digmaan at agresyon; pagtutol na i-handle ang mga armas pandigma ng mga
imperyalistang hukbo kasama na ang mga tropa ng “Coalition of the Willing”;
hanggang sa pagpapatawag ng mga strike upang tutulan ang okupasyon ng panggagahasa
at pandarambong ng imperyalista sa Iraq pati na rin ang agresyon ng mga tropang
U.S. at burgesyang Pilipino sa Pilipinas, ang mga aksyong ito ang maaaring
maging susi upang pigilin ang tila rumaragasang tren ng agresyon ng lokal
at internasyonal na burgesya kung igigiit lamang nang uring manggagawa ang
kanyang liderato o pampulitikang independensya mula sa mga “liberal” o “pambansang”
burgesya na kaaway sa uri at sa mga umaastang lider “komunista”, iba pang
bahid ng mga pekeng kaliwa.
Kaya naman mahalaga ang pakikibaka para sa pagbubuo ng isang tunay na rebolusyonaryong
partido ng uring manggagawa na siya namang mangunguna sa uring manggagawa
at masang anak pawis sa pakikibaka para sa pampulitikang independensya ng
uri, NA HINDI SINASALAMIN NG MGA UMAASTANG LIDER AT PARTIDO NGMGA MAOISTA,
STALINISTA, AT IBA PANG BAHID NG PEKENG KALIWA. Ang isang tunay
na rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa, ay dapat kasing katulad
ng Bolshebik na partido nina Lenin at Trotsky, na siyang nanguna
sa pagtatagumpay ng kauna-unahang estado ng manggagawa sa pamamagitan ng
rebolusyong manggagawa noong 1917, na tuloy-tuloy na nakikibaka upang masiguro
na ang pakikibaka ng uri at ng masang anak-pawis ay madireksyonan at mapagtagumpayan
hindi lang ang laban sa imperyalistang digma, hindi rin lang upang makabaklas
ang uring manggagawa sa lahat ng klase ng “Popular Front” at para sa pampulitikang
independensya, kundi pati na rin ang pakikibaka para sa rebolusyong manggagawa
at ang pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan mula sa burgesya.
Ang RGK kasama ang LI-AI / IG at RKO ay kumikilos tungo sa pagbubuo
ng partidong ito. Layon din naming muling buhayin ang Ika-4 na internasyonal
na binuo ni Leon Trotsky noong 1938, ang pandaigdigang partido ng internasyonal
na sosyalistang rebolusyon, upang, maipagtagumpay ang mga bagong rebolusyong
Oktubre ng 1917 - ang tanging matagumpay na rebolusyong manggagawa - sa ika-dalawampu’t
isang siglo. SUMAPI SA RGK!! Ang RGK, LI-AI / IG at RKO ay kumikilos
para sa rebolusyonaryong muling pagsasama ng mga mulat na rebolusyonaryong
manggagawa, kababaihan at kabataan na malinaw na nakita ang pagka-bangkarote
ng mga organisasyon at partido ng pekeng kaliwa na patuloy na tinatangkilik
ang mga teorya at praktika nina Stalin, Mao at ang Rebisyonistang Sosyal-Demokrasya.
Kami ay kumikilos upang maki-alam at madireksyonan ang mga pakikibaka ng
uring manggagawa, at sa mga mapagpasyang tunggalian ng mga uri. Maaaring
makipag-ugnayan sa RGK sa e-mail: rgk7@hotmail.com. Maaari ring
makipag-ugnayan sa IG / LI-AI at RKO at: internationalistgroup@msn.com
para sa mga e-mail o kaya’y mag-log sa www.internationalist.org website.
URING MANGGAGAWA, MAKIBAKA
PARA SA IYONG PAMPULITIKANG INDEPENDENSYA MULA SA BURGESYA AT SA LAHAT NG
BAHID NG POPULAR NA PRENTE!!
PARA SA MGA BAGONG REBOLUSYONG OKTUBRE NG 1917!!
PARA SA PAGBUBUO NG ISANG TUNAY NA REBOLUSYONARYO-TROTSKYISTANG PARTIDO SA
PILIPINAS BILANG SEKSYON NG MULING BINUHAY NA IKA-APAT NA INTERNASYONAL!!
- REBOLUSYONARYONG GRUPO NG MGA KOMUNISTA –
Abril 30, 2003
Para makipag-ugnayan sa Internasyonalistang Grupo at sa Liga para sa Ika-Apat
na Internasyonal, magpadala ng e-mail sa: internationalistgroup@msn.com
Pabalik sa THE INTERNATIONALIST
GROUP Home Page
|