.

Marso 2006   
Crackdown sa Pilipinas:
Labanan si Arroyo sa Pamamagitan
ng Kapangyarihan ng mga Manggagawa!  



Hindi Isa na Namang Huhad na EDSA “People Power”, Kundi Rebolusyong Manggagawa!
Buuin ang Nukleyo ng Isang Trotskyistang Partidong Pilipino!

Muli, umalingawngaw na naman ang pulitikal na kalupaan ng Piliinas sa ingay ng mga kalasag na pinupukpok ng mga pulis, na tila mga eksena noong panahon ng Martial Law noong dekada 70. Muli, gumulong na naman ang mga tangke at armored personnel carrier sa mga kalye ng Maynila at nagbarikada sa headquarters ng hukbong sandatahan habang nagtitipon-tipon ang mga tao, na nagbabalik-tanaw sa kudeta na nagmitsa sa mobilisasyong EDSA “People Power” at nagpabagsak sa diktador na Marcos tatlong dekada na ang nakakaraan. Subalit sa pagkakataong ito ilang libo lamang ang lumahok sa mga “rebeldeng” militar imbes daang libo. Kaya naman, sa ngayon, nagawa na naman ni Gloria Macapagal Arroyo na makahulagpos muli mula rito. Samantala, patuloy ang pagtindi naman ng represyon ng gobyerno.

Prinoklama ni “GMA” ang State of National Emergency noong Pebrero 24, subalit binawi rin ito agad makaraan ang isang lingo. Sa harap nito, kanyang pinagmalaki, di-umano, na ang bansa ay “lumakas,” at ang banta ng isang kudeta ay nadurog na. Sa mas direktang puntoang pagbawi ni GMA sa State of National Emergency ay ibintay sa tindig ng kanyang amo sa Washington na pinaramdam sa kanya na ang naturang pagpataw ng State of National Emergency ay hindi naangkop na maniobra: Dinidiskaril nito ang pamamarali ng rehimeng Bush na nagpapakalat di-umano ng “demokrasya;” maari itong makapag-pakawala ng daluyong ng pagka-diskuntento sa mahihirap at panggitnang uri, na makasasama sa pangangalakal, at ang mas importante, maaring patindihin pa nito ang tensyon sa nagpapaksyon-paksyong militar. Ang hawak nito sa mga puwersa ng represyon ay hindi ganoon kahigpit, at hindi kakayanin ng 5,000 tropang Amerikano na kasalukuyang nasa Pilipinas na supilin ang isang popular na pag-aalsa. Paisa-isang Irak lamang ang kaya ng Pentagon sa mga panahong ito.

Bagamat ang layon ng gobyerno sa proklamasyon ng state of emergency ay upang “makapagbigay ng takot” sa mga kalaban nito, na inamin mismo ni “Justice Secretary” Raul Gonzalez, sa katotohanan ay hindi ito nakapagbigay ng inaasahang pagkatakot. Mula Maynila hanggang Mindanao, araw-araw ang mga protesta. Bagamat sa umpisa’y maliliit, na halatang tinetesting ang lalim at lawak ng crackdown, maari itong lumobo at lumaki. Tumaas din ang bilang ng mga aksyong militar ng mga Maoistang gerilya. Subalit ang burgis na oposisyon, matapos sumubsob ang kanilang pagplaplanong kudeta, ay nilimitahan ang sarili sa mga ligalistang aksyon. Limang buwan makalipas na manawagan ito sa inutil na Kongreso na i-impeach si Arroyo. Sa kasalukuyan, “hinamon” naman ng mga ito ang national emergency ni GMA sa pamamagitan ng pag-apela sa baog na Korte Suprema. At tulad ng inaasahan, ang mga repormistang mislider ng paggawa ay sumakay muli sa mga naglipanang sibilyan at militar na paksyon ng naghaharing uri.

Sa internasyonal na larangan, hinambalos rin ng sangkatutak na protesta ang crackdown ni Arroyo. Karamihan rito ay nananawagan para sa pagpapatalsik kay Arroyo sa pamamagitan ng “people power” – mga malawakang mobilisasyon na sumusuporta sa sibilyan at militar na burgis na oposisyon tulad ng nagpabagsak kay Marcos (EDSA 1) at kay Joseph Estrada (EDSA 2), na naglalayong maglagay na naman ng isang kapitalistang pulitiko bilang presidente (Corazon Aquino noong 1986, at Arroyo noong 2001). Lumahok ang Internationalist Group, seksyon ng Liga para sa Ika-Apat na Internasyonal sa U.S., sa isang piket noong Pebrero 27 sa Philippine Consulate sa New York na ipinanawagan ng Gabriela Network na dala ang natatanging programa. Ipinanawagan ng mga placard ng IG na: “Palayasin ang U.S. sa Irak at Pilipinas,” “Hindi isa na namang Huwad na ‘People Power,’ Kundi Rebolusyong Manggagawa!” “Hindi Pakikipag-alyansa sa mga Trapo, AFP at Simbahan – Kapangyarihan sa mga Manggagawa” at “Durugin ang State of National Emergency ni GMA sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng mga Manggagawa!”

“Binawi ni GMA ang State of Emergency…Subalit nagpapatuloy ang Crackdown,” sabi ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (Marso 4).” Patuloy ang panghuhuli ng walang warrant ang mga pulis, ipnagbabawal ang mga demonstrasyon ng walang opisyal na permit, at binabantayan ang media sa “sedisyon.” Limang Kinatawan ang patuloy na nagkukuta sa House of Representative, habang naka-abang ang mga pulis sa pinto at nakahandang arestuhin ang mga Kinatawan sa sandaling lumabas ang mga ito sa compound ng Kongreso. Ang iba pa sa 59 na nakalistang aarestuhin sa sinampahan ng kasong rebelyon ay pinaghahanap pa, habang si Kinatawang Crispin Beltran ay patuloy na nakapiit at hawak ng Philippine National Police, na patuloy na hinahanapan ng asunto upang ang dating maka-kaliwang lider-manggagawa na si “Ka Bel” ay manatiling nakakulong. Habang ang mga lider-unyonista ay walang habas na binabaril at pinapatay ng mga assassin na tila pulis at militar.

Sa maikling salita, ang Pilipinas sa ngayon ay sumasailalim sa isang “gumagapang na batas militar.” Habang papalalim ng papalalim ang aysolasyon ng gobyerno, patindi naman ng patindi ang pagkiling nito sa mga diktatoryal na hakbangin upang makapanatili lamang sa poder. Ang tanong ay kung paano ito lalabanan. Sa pangunahin, patuloy ang pananatili ni “GMA” sa Malakanyang dahil, ang hati-hati na sibilyan/militar burgis/repormistang oposisyon ay kulang sa pagkaka-isa. Subalit ang tungkulin ay hindi ang paghahanap ng isang bagong pigura na mangangasiwa ng isang “repormadong” kapitalistang rehimen. Ang ganitong iskema ay patuloy na magpapanatili ng kapangyarihan sa kamay pa rin ng mga reaksyonaryong puwersa na naghari sa republika simula ng ibigay ng Estados Unidos sa Pilipinas ang mala-kolonyang independensya noong 1946. Ang tungkulin, lalo na sa mga proletaryong rebolusyonaryo ay mapakilos ang uring manggagawa, sa unahan ng mga urban poor, ng mga pesante at inaaping pang-etniko/pambansang minoridad sa laban upang “Walisin si GMA – Kpangyarihan sa mga Manggagawa!

Tatlong Araw sa Pebrero

Noong Pebrero 24, Biyernes, ipinahayag ni Arroyo ang Presidential Proclamation 1017, na nagdedeklara ng isang State of Emergency sa buong bansa. Ang kanyang General Order No. 5 ang nagpatupad nito sa pamamagitan ng pagdedeklarang iligal ang lahat ng “mga aksyon…na pumipigil sa paggo-gobyerno, kasama ang mga pumipigil sa pag-unlad ng ekonomiya at sumasabotahe sa kumpyansa ng mamamayan sa paggo-gobyerno, at ng kanilang paniniwala sa kinabukasan ng bansang ito.” Binibigyang otorisasyon ni Arroyo ang pulis at militar na mang-aresto ng walang warrant, ipagbawal ang mga demonstrasyon at pagtitipon, i-take over ang mga pahayagan at broadcast media, at sa pangkalahatan, “pigilin at supilin…ang anumang aksyong insureksyon o rebelyon, at ipatupad ang agsunod ng lahat…sa mga batas at regulasyon na personal kong isinabatas o aking ini-utos.”

Ang masaklap rito, ang blueprint na ito para sa personal na diktadurya ay itinaon pa sa ika-20 anibersaryo ng pagpapa-bagsak kay Marcos, na nagpatupad ng Batas Militar 14 na tan nang nakakaraan noong 1986. Subalit hindi nagkataon lamang ang petsang ito. Sinasabi ni Arroyo na isang kudeta ang inihahanda ng isang hindi sagradong alyansa ng mga komunista at opisyal militar, na uumpisahan daw sa mga demonstrasyong magaganap noong Pebrero 24 bilang paggunita sa 1986 na pag-aalsang “people power.” May kudeta man o wala, ang isang malakihang paglahok sa mga demonstrasyong ito ay siguradong aalog muli sa sa gobyerno ni GMA, na noon pa man ay nawalan na ng “kumpyansa ng mga mamamayan,” simula ng lumutang noong isang taon ang pandaraya ng gang sa Malakanyang sa 2004 na eleksyon.

Katunayan, maka-ilang beses ring nabanggit ang Proklamasyong 1017 ni Arroyo bilang Proklamasyong 1081 ni Marcos noong 1972. Mismong si AFP Chief of Staff heneral Generoso Senga ay dalawang beses na nabanggit ang utos ng kanyang among si Arroyo bilang “1081.” Sa pamamagitan ng otoridad ng General Order No. 5 inokupa ng mga pulis ang opisina ng Daily Tribune, isang dyaryo na nangunguna sa pagpapahayag ng mga “Oust Gloria” na protesta, at pinigilan ang paglalathala ng pang-Sabadong edisyon. Higit kumulang rin sa 9 na mga pahayagan ang ipinasara, inokupa ang mga istasyon ng radyo at telebisyon, at ipina-aaresto ang mga lider oposisyon, tulad ng nangyari sa isang propesor ng Unibersidad ng Pilipinas at isang kolumnista ng isang pahayagan.

Subalit kahit ibinababa na ang national emergency, tumuloy pa rin ang mga demonstrasyon noong Pebrero 24 na naging protesta na laban sa crackdown ng gobyerno. Matapos kanselahin ang mga pasok sa eskwelahan sa lahat ng antas at lahat ng permit para magrali ay binawi, dineklara ni Arroyo ang State of National Emergency ng ala-una ng hapon, unang inatake ang demonstrasyon ng Laban ng Masa na nilahukan ng may 5,000 hanggang 7,000 katao. Matapos sapilitang “imbitahan” ang tatlong pangunahing lider ng sosyal-demokratikong Akbayan, dinurog ang martsa ng batuta ng mga pulis at water cannon. Animnapu’t-dalawa ang inaresto, kasama ang isang anim na taong gulang na bata at labing-isa pang menor de edad, na kinasuhan ng inciting to sedition! Isa ngang anawnser ng radyo na DZMM ang sarkrastikong nagtanong, “Paano makapag-incite to sedition ang isang 6-taong gulang samantalang dumedede pa nga ito sa kanyang magulang?”

Kinahapunan, may 10,000 hanggang 12,000 demonstrador ng mas malaking “pambansa-demokratikong” (ND) bloke ang nagtipon sa Makati, ang hinarang ng mga pulis at pinigilang maka-kabit sa mga tinatawag na “civil society” na mga grupo na pinangungunahan ni dating presidente Corazon Aquino. Ang ikatlong martsang ito (ng burgis na oposisyon) ay pinayagan na makapaglagay ng korona ng mga bulaklak sa monumento ng asawa ng dating presidente na si Benigno “Ninoy” Aquino, na pinatay ng mga ahente ni Marcos noong 1983. Pagdating ng alas-sais ng gabi, brutal na dinispers naman ang ND na bloke.

Pagdating ng Sabado, naglabas ng listahan ng 59 katao na sinampahan daw ng kasong “rebelyon.” Unang inaresto ay si Crispin Beltran, miyembro ng Kongreso at tagapag-salita ng party-list na Anakpawis. Dahil walang maikaso, inaresto si “Ka Bel” sa dahilan ng isang warrant noon pang panahon ni Marcos (sa kasong rebelyon) noong pang 1985(!) ng si Beltran ay isa pang opisyal ng Kilusang Mayo Uno. Ilan pang maka-kaliwang mambabatas, kasama sina Satur Ocampo ng Bayan Muna at Liza Maza ng Gabriela party-list ay nakatakas sa pag-aresto at inilagay sa detensyon na lamang ng House of Representative. Ang nagretiro naman na dating pinuno ng Philippine Constubulary Heneral Ramon Montano ay naaresto naman sa isang golf course.

Nakahanay rin sa mga aarestuhin ng gobyerno sina dating presidente Joseph Estrada, na nagpipinansya di-umano sa “coup plot,” na nagbarikada naman sa ospital; si dating senador Gregorio “Gringo” Honasan, ang dating kolonel at lider-commando, na kilalang nasangkot sa bawat kudeta at pagtatangkang kudeta sa nakalipas na dalawang dekada, ay hindi pa makita hanggang sa ngayon; si Jose Maria Sison, ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines, na naka-exile naman sa Nederlands kung saan siya ang tumatayong pulitikal na advisor sa National Democratic Front (NDF); Gregorio “Ka Roger” Rosal, lider ng New People’s Army (NPA); at iba pang mga naka-exile o kaya ay nakakulong nang maka-kaliwang personahe.

Inuupakan ni Arroyo ang oposisyon sa pakikipag-sabwatan nito sa mga “awtoritaryan ng dulong kaliwa na kinakatawan ng NDF-CPP-NPA at ang dulong kanan na kinakatawan naman ng mga adbenturistang militar ” na di-umano “sa ngayon ay nasa isang taktikal na alyansa” at kumikilos ng “isang sama-sama at sistematikong sabwatan” upang “maibagsak ang lehitimo na binotong gobyerno noong 2004” (Philippine Daily Inquirer, Pebrero 25). Kung susuriing maige, ang akusasyong ito ni Arroyo ay talaga namang nakakatawa! Nitong nagdaang mga buwan ang Pilipinas ay inuga ng mga demonstrasyon matapos ang pagsulpot ng tape na nagpapakita ng pandaraya ni GMA at mga heneral ng militar. Dagdag pa, alam rin naman ng lahat na bago pa man ang sinasabing “kudeta” naglipana na sa istruktura ng pulis at militar ang pagkakahati-hati dulot na rin ng malawakang korupsyon at ang paraan kung paanong ang mga opisyal militar ay nagsisilbing tuta at tagapag-bantay ni Arroyo. Kaya naman nitong kalagitnaan ng Pebrero, biglang nadiskubre ng gobyerno ang “Operation Hackel.”

Noong pebrero 26 naman, Linggo, pumutok naman ang showdown ng mga militar, na nagresulta ng isa na naman dramang mala-soap opera. Una, pinagmartsa ni Kolonel Ariel Querubin ang kumpa-kumpanyang kasapi ng 1st Marine Brigade sa headquarters ng Philippine Marines upang iprotesta ang pagkakatanggal ng Commandant ng mga ito. Sinamahan siya ng mga abugado at taga-suporta ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) at ng Laban ng Masa. Habang pinalibutan naman ng mga tangke, V-150 armored personnel carrier at mga Simba light tank ang compound ng headquarters. Nanawagan si Querubin sa mga tao na magtipon sa labas ng base militar upang “protektahan ang mga Marines,” subalit hindi nangyari ito dahil nagtipon na rin ang mga pulis at pinalubutan na ang buong Fort Bonifacio. Bilang tugon sa panawagan ni Querubin, may mga trapo na pumunta, tulad ni Corazon Aquino at Imee Marcos, anak ng dating diktador, subalit ang mga ito ay hinarang ng mga pulis at hindi pinayagang makapasok. Pagdating ng alas-onse ng gabi inanunsyo ni Querubin, matapos ang “masinsinang pag-uusap ng mga opisyal ng Philippine Marines,” at sa matinding pagkadismaya ng mga sibilyang taga-suporta nito, naayos na di-umano ang gusot at susunod na ang mga Marine sa chain of command!

Hindi maitatago na ang iba’t-ibang pangkatin sa hati-hating corps ng mga opisyal ay nag-uusap usap sa pagpapatalsik kay Arroyo, kasama na riyan ang mga beterano na sa mga nakaraang kudeta. Ilan riyan ay: Ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM, na pinamumunuan ni Honasan, na sangkot sa pagpapabagsak kay Marcos); ang Young Officers Union (YOU, na kasama ang RAM ay nagtangkang ibagsak ang gobyerno ni Aquino), kasama rito si Brigadier General Danilo Lim, pinuno ng Scout Ranger Regiment, at ang kolonel ng mga Marine na si Ariel Querubin; ang Soldiers of the Filipino People (mga loyalista ni Marcos na pinamumunuan ng dating heneral Zumel), na kasama ang RAM at YOU, ay nabigyan ng amnestiya ng gobyerno ni (dating chief of staff ng AFP) Ramos, at ang grupong Magdalo na naglunsad ng mutiny noong Hulyo 2003 laban kay Macapagal Arroyo sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang “armadong press conference” sa Oakwood.

Malinaw rin na ang mga militar na nagpa-plano ng kudeta ay nakikipag-sabwatan sa mga business leaders at burgis na pulitiko. Iniulat ng Time Asia (24 ng Pebrero) ang isang miting sa bahay ni Jose “Peping” Cojuangco, kapatid ng dating presidente Corazon Cojuangco Aquino at isa sa mga nangungunang kapitalista sa bansa. Sa isang “ako ay naroroon” na ulat, nabanggit ng magasin na “may mga planong inuumpisahan na tinagurian ng isa sa mga lider nito bilang ‘pagbawi ng suporta’ kay Arroyo.” Isa nga sa mga mangangalakal na naroroon ay tumawag pa “sa isang Opisyal na Amerikano sa Washington, nagbigay ng kasiguruhan sa opisyal na ito na ang post-coup na rehimen ay patuloy na magiging malapit sa Estados Unidos.” Matapos kausapin ang opisyal na Amerikano, kanila namang kinausap si Heneral Lim at “kinumpirma umano ni Lim na ‘all systems go’ daw ang planong pagkilos laban kay Arroyo,” at naganap lahat ng iyan sa pamamagitan pa ng isang speaker phone! Sila Lim di-umano ay “sasalubungin ng isang grupo ng mga obispong katoliko,” sa memorial ng EDSA, at isang heneral ng mga Marines ay magbabasa raw ng isang pahayag ng pagbawi ng suporta kay Aroyo. Subalit hindi ito nangyari dahil makalipas ang ilang oras, inaresto na si Lim.

Ito na ang panglawang beses nitong nagdaang mga buwan na si Gloria Macapagal Arroyo ay nakahulagpos sa bagyong pulitikal na kanyang kanakaharap. Subalit anumang pagsasalita na – “Bilang Commander in Chief, kontrolado ko ang sitwasyon” – hindi nito maitatago na hindi talaga nito kontrolado ang sitwasyon. Ang totoo ay patuloy na dumadausdos sa pagiging bonapartista ang kanyang rehimen, sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng mga diktatoryal na mga hakbangin. Matapos i-isyu ang Presidewntil Proclamation 1021, na nagpapawalang bisa sa PP 1017, ipinahayag ng gobyerno na sa sandaling lumabas ng Kongreso ang mga maka-kaliwang mambabatas at ang mga indibidwal na may mga arrest warrant, patuloy pa ring hahanapin at aarestuhin ang mga ito. Katunayan, noong Marso 8, isang martsa para sa Internasyonal na Araw ng mga Kababaihan ng may 10,000 demontrador ang brutal na dinisperse ng mga pulis, pinagpupukpok ang mga nagmartsa at inaresto sina Kinatawan Riza Hontiveros-Baraquiel ng Akbayan at ang pangkalahatang-kalihim ng Alliance of Progressive Labor Joshua Mata.

Ang state of emergency ay nagpapatuloy lamang ng papatinding represyon nitong mga nagdaang buwan. Sa pagpasok ng Disyembre 2005, iniulat ng Karapatan, isang organisasyon para sa proteksyon ng mga karapatang pantao na umabot na sa 3,500 katao na ang nabibiktima ng gobyerno ng nagdaang labing-isang buwan. Kasama riyan ang mga pambobomba, pamamaril ng mga demonstrador, at pananalbeyds. Matapos ang asasinasyon kay Diosdado “Ka Fort” Fortuna, presidente ng unyon sa Nestle noong Setyembre, pinatay naman ang presidente ng unyon ng Central Azucarera de Tarlac na si Ricardo Ramos noong Oktubre. Matatandaan na ang Hacienda Luisita, na pag-aari ng mga Cojuangco ay lugar rin ng isang masaker sa piket layn kung saan umabot sa 14 katao ang napatay noong Nobyembre 2004 sa gitna ng isang strike na tumagal ng isang taon. At noong Marso 17, binaril at napatay ng mga di-nakilala na mga lalaki si Tirso Cruz, miyembro ng United Luisita Workers’ Union (ULWU).

Dagdag pa riyan ang mga masaker ng mga magsasaka na kagagawan ng mga militar na pinagbibintangang mga simpatisador ng Maoistang NPA, tulad ng pamamaslang sa 10 di-armadong sibilyan sa Palo, Leyte noong Nobyembre. Mula Pebrero hanggang Agosto nga ng nakaraang taon, humigit kumulang sa 56 katao ang pinatay o nawawala sa Samar habang ang probinsya ay nasa kamay ni Heneral Jovito Palparan (na ngayon ay nasa Tarlak na). Sa Mindanao, kung saan mayroong nagpapatuloy na digmaan para sa paghihiwalay at independensya ng mga mamamayang Moro, daan-daan nang atakeng militar ang iniulat sa sibilyang populasyon na tinatamaan ang libo-libong tao. Maging ang mga taong simbahan at mga mamamahayag ay tinatarget na ng represyong ito. Batay sa isang Mayo 2005 na ulat, sa pamamagitan ng librong Marked for Death, ng Committee to Protect Journalists, “Ang Pilipinas ang pinakamamamatay-taong bansa sa lahat,” na nakapagtala na ng mas malki pang bilang ng mga pinatay na mamamahayag kaysa sa bansang Irak. Habang ang anti-komunistang CPJ ay nakapagtala ng 22 Pilipinong mamamahayag na pinatay simula 1980, ang mga grupo para sa karapatang pantao sa Pilipinas ay nakapagtala naman ng 39 na pinatay simula ng manungkulan si Arroyo noong 2001, 12 rito ay napatay noong nakaraang taon lamang.

Simula ng matalo sa Kongreso ang pagtulak upang ma-impeach si Arroyonoong nakaraang Setyembre, triniple na ng gobyerno ang mga hakbanging represibo. Isa rito ang “Calibrated Pre-emptive Response” (CPR) na patakaran, na hinahayaang kumilos ng malaya ang kapulisan upang ipagbawal at buwagin ang lahat ng klase ng mga rali at protesta na umano ay “patuloy na ibagsak ang ekonomiya at kapayapaan at kaayusan ng bansa,” na galing mismo sa bibig nga ng tagapag-salita ni GMA Ignacio Bunye. Kung sa mga nakaraang mga demonstrasyon ay binibigyan pa ang mga demonstrador ng 15 minuto upang mag-disperse, sa ilalim ng CPR walang habas na aatakehin na kaagad ng mga pulis ang mga demonstrador. Ang pinaka-prominente nga rito ay ang oktubre 15 na atake, ng ura-uradang ginamitan ng water cannon upang i-disperse ang ilang daang nagmamartsa na pinangunahan ng isang dating bise-presidente at tatlong obispong romano katoliko.

Dagdag pa riyan ang Executive Order 464 na nagbabawal sa sinumang opisyal ng gobyerno, militar, o pulis na dumalo sa mga Congressional inquiries ng walang otorisasyon mula sa presidente mismo. Sa pagtutol nga ng Malakanyang na dumalo ang mga opisyal ng gabinete sa mga pagdinig ng budget, gumanti nga ang Kongreso ng pagpapasa naman ng pisong badyet para sa mga departamento na kung saan ang mga kalihim nito ay hindi dumalo. Sinagot naman ito ng administrasyon ng pagkakampanya naman sa mga proposal para sa “Charter Change” (“ChaCha”). Sa gitna nga ng mga panawagan noong Hulyo para sa pagbibitiw ni Arroyo, inihapag ni Fidel Ramos ang plano para sa isang parlyamentaryong sistema bilang mas demokratiko kaysa sa presidensyal na sistema, sa pamamagitan ng paghahapag na sa ilalim ng gayong sistema, responsable ang presidente sa Kongreso. Bagkus, gustong gamitin ni GMA ang ChaCha upang mapasunod sa kagustuhan nito ang Kongreso lalo na ang Senado. At upang maipakita lalo ang kanilang punto, nagbuo si Arroyo ng isang Consultative Commission (“ConCom”) na nagbuo naman ng plano upang kanselahin naman ang 2007 na eleksyong lehislatibo at lokal (“NoEl”), upang mapigilan ang mayoryang panalo ng kasalukuyang oposisyon. Ito ang magbibigay-daan sa presidente upang manatili sa posisyon nito hanggang 2010 at makatakbo sa bagong parlyamento at maging pinunong ministro, na magpapahaba pa lalo sa kanyang pagkapit sa kapangyarihan.

Dahil kumuha ng sangkaterbang batikosmula sa mga trapo, na kinakatakot na mawala ang kanilang mga kinabukasan sa “NoEl” na iskema ni Arroyo, muli itong ibinasura pansamantala. Ang sumunod naman na iskema nina Arroyo ay ang state of emergency, na niluto na ng administrasyon noon pang Setyembre ng isang taon. At dahil napilitan rin itong iatras, minamadali naman ng gobyerno ngayon ang pagpapasa ng “anti-terrorism” bill. Sa ilalim ng bill na ito, ang “terorismo” ay binibigyang kahulugan bilang “ang pagpa-plano, pananakot, (o) aktuwal na paggamit ng karahasan, puwersa, o ng anu pa mang paraan ng paninira na inilulunsad laban sa isang tao/mga tao, pag-aari/mga pag-aari…ng may intensyon upang makagawa o makapagkalat ng isang antas ng kapahamakan, pagkatakot, o kaguluhan sa pangkalahatang publiko, grupo ng mga tao o partikular na tao…” Ang ganito kalawak na depinisyon ay magbabawal sa lahat mula sa rali maging sa isang strike, o kahit manawagan lamang o kaya maging sa pamamagitan lamang ng pag-uusap upang mag-strike. Nagpasok pa ng mga taga-United Nations na delegasyon ang gobyerno upang mapatibay ang panawagan nito para sa isang “anti-terror” na batas.

Ang Walang Kinabukasang Prenteng Bayan

Ang maikling pagsusuri ng mga bagong galaw ng gobyerno ay nagpapakita sa sinasabi ng Liga para sa Ika-Apat na Internasyonal sa mga nagdaan na buwan na rin: na si Arroyo, na nangampanya sa ilalim ng islogang “malakas na republika,” ay walang humpay na itutulak na mapalakas ang kanyang uuga-ugang paghahari sa pamamagitan ng mga bonapartistang hakbang. Para sa mga Marxista, ang babala ng kapahamakan ng isang isang estadong pinatatakbo ng pulisya, militar na diktaburya at iba pang porma ng burgis na “malakas na estado” ang naghahapag ng pangangailangan para sa isang rebolusyong manggagawa. Binibigyang-diin ng mga Trotskyista na kabilang sa mga alas ng kapitalismo ang tendensiyang bawasan, kontrolin at tanggalin kahit ang pinakabatayang burgis “demokratikong” karapatan sa panahong ito ng imperyalistang pagkabulok, kasabay niyan ay ang malawakang atake sa mga nakuha nang tagumpay ng mga manggagawa. Na ang pagbagsak ng orihinal na bonapartistang rehimen, ang Ikalawang Imperyong Pranses ni Louis Napoleon, ay nagresulta sa Paris Komyun, ang kauna-unahang gobyerno ng mga manggagawa sa kasaysayan.

Subalit, para sa mga repormistang sosyalista, ang pagbibigay-babala sa bonapartistang katangian ng isang rehimen ay ginagamit bilang kadahilanan para manawagan ng isang kowalisyon sa mga “demokratikong” sektor ng burgesya. Ang ganitong gobyerno ay tipikal na nilang tinatawag bilang “pasista,” bagamat nagkukulang ng base ng mga masang galit na peti-burgis na kinatangian ng mga kilusang pasista ng Europa, bagkus ang mga “pasistang” rehimen na mga nabanggit ay nakasandal sa mga militar at pulis na aparato. Ang tanging isinasagot ng mga rebisyonista ay manawagan para sa isang “prenteng bayan” upang malabanan ito sa pulitikal na kalupaan ng burgis na demokrasya, imbes na makipaglaban para sa rebolusyong manggagawa. Tulad ng nangyari kay Sukarno ng Indonesia noong 1965 at Allende ng Tsile noong 1973, ang popular na prentismo ay binabayaran ng dugo ng mga manggagawa, na nagbibigay-daan sa reaksyong pasista at bonapartista, sa nagiging papel nito bilang balakid sa proletaryong rebolusyon.

Sa Pilipinas sa kasalukuyan, ang patakaran ng halos lahat ng kaliwa sa kilusang “Oust Gloria” ay upang makapagbuo ng kumon na ipinapakipaglaban sa mga bugis na oposisyong sibilyan/militar. Sa kagyat na pagkatapos ng proklamasyon ng state of emergency ni Arroyo, naglabas ng isang panawagan noong Pebrero 25 ang “chief political consultant” ng NDF na si Jose Maria Sison na nagdedeklara, “Upang mapatalsik ang rehimeng Arroyo, kinakailangang sa mga legal patriyotiko, progresibo at iba pang puwersang anti-Arroyo at kanilang mga alyado sa hanay ng mga aktibo at retiradong militar at pulis na puwersa na gawin ang kanilang makakaya sa pagpapakilos ng kanilang sariling mga taga-suporta at sa paghatak ng malawak na masa ng mga mamamayan sa mga malakihang aksyong masa.” Dinagdag pa ni Sison na “sa mga oposisyong partido, nagkakaroon ng lumalaking kumon na paghahangad ang mga legal na puwersang pambansa demokratikong kilusan at ang hanay ng mga retirado at aktibong anti-Arroyong opisyal ng militar at pulis sa malawak na nagkakaisang prente na magbuo ng isang transisyunal na konseho” na makikipag-usap ng kapayapaan sa NDF.

Naglabas nga ang Communist Party of the Philippines ng isang ispesyal na isyu ng pahayagan nitong, Ang Bayan (Pebrero 27), na may headline na “Labanan ang bagong pasistang diktadurya ni Gloria Arroyo,” at nananawagan sa mga yunit ng NPA na “makipag-koordinasyon sa mga anti-Arroyo at iba pang kaibigang yunit sa loob mismo ng AFP at PNP.” Sa isa pang isyu ng Ang Bayan (Marso 12), iminungkahi ni Sison na magbuo ng isang “Roundtable Council of Advisors” na isasama ang mga “dating presidente” at iba pang nangungunang pigura, at pagbubuo rin ng isang “Unified Command” na isasama ang “mga pangunahing grupo ng mga retirado at aktibong opisyal militar at pulis.” Ang linyang ito ay alinsunod sa Stalinistang patakaran ng CPP na “dalawang-hagdang rebolusyon,” ang unang hagdan ay ang (burgis) “demokratiko” at ang susunod na hagdan (na hindi na mangyayari) ay ang sosyalismo. Ipinamamarali ni Sison na ang batayan ng pakikipag-alyansa sa mga “anti-Arroyong opisyal militar at pulis” ay nakabatay sa “nagkakaisang prente” ng Partido Komunistang Tsino ni Mao Zedong at partido Kumintang ni Tsang Kai-Shek laban sa mga Hapon. Subalit ang panawagan ni Mao para sa isang “nagkakaisang prente” ay wala rin namang silbi dahil lagi’t-laging ikinokonsentra ni Tsang ang kanyang atake sa mga Komunista.

Habang ang CPP/NDF/NPA at ang kanilang “pambansa demokratikong” kampo ay tumitingala sa mga “nangungunang grupo” ng opisyal militar at “dating presidente” (si Ramos kaya ito?), ang iba’t-ibang sosyal-demokratikong kaliwa at hindi gaanong maka-kaliwang grupo ay naghahabol naman na makapagbuo ng isang “transisyunal na konseho” na dominado ng sibilyanupang palitan si Arroyo. Batay sa Bulatlat (Marso 19), kasama rito ang “Solidarity Movement” na pinamumunuan ng dating kaihim ng “depensa” Renato de Villa kasama ang Bayan Muna, Bayan, at iba pang grupo na prenteng bayan; kasama rin ditto ang Laban ng Masa na pinamumunuan naman ng dating presidente ng Unibersidad ng Pilipinas Francisco Nemenzo. Ang pagpapakalat ng gobyernong Arroyo ng halusinasyon ng isang malawakang “kanan-kaliwa” na planong kudeta ay upang mabiyang dahilan ang pag-aresto sa malawak na bilang ng mga kaaway nito. Ang sinasabing “ebidensya” nito ay nagpapakita lamang ng mga inisyal na kontak sa pagitan ng mga sibilyang oposisyonista, disidente na opisyal militar at mga maka-kaliwang lider. Kung tutuusin, ang ginagawa ng mga ito ay tulad ng ginawa ni Arroyo mismo noong EDSA 2, na naglagay sa kanya sa kapangyarihan ng pagka-presidente.

Mas importante sa kung hanggang saan na ang inabot sa tinatahak nito ay ang katotohanan na ang repormistang kaliwa sa Pilipinas ay naghahabol ng isang alyansa sa mga puwersa ng burgis na oposisyon, mapa-sibilyan man iyan o militar – sa nagdaang mga dekada. Ito ang puno’t-dulo ng “people power” ng EDSA 1 at 2, at sa nagdaang siyam na buwan lahat ng mga maka-kaliwang grupo ay nagkukumahog ng isa na naman pag-aalsang EDSA. Ito ang kinahinatnan ng pagkilos na “Oust Gloria” noong isang taon. Kung sakali mang naabot nila ang kanilang layunin, kakatawan ito sa isa na namang pagkabigo sa anak-pawis at hindi tagumpay, dahil ididikit muli ang masang anak-pawis sa isa na namang kapitalistang gobyerno na sa ngalan ng “reporma” ay maghihigpit ng twerka ng pagsasamantala at patitindihin ang represyon.

Matapos ang (inaasahan na) pagkatalo ng impeachment sa House of Representatives noong Setyembre, ang sagot ng mga nat-dem ay manawagan ng isang “people’s court” upang litisin si Arroyo. Ang sarsuwelang ito – na pinangunahan ng Bayan Muna, Bayan at ng KMU – ay lumalabas na isang walang laman na pulitikal na palabas. Ang layunin ng “Citizens’ Congress for Truth and Accountability” ay “makapaghapag ng mga ebidensya sa mamamayan na hindi pa narinig noong nililitis ang impeachment,” sa paliwanang ni dating bise-presidente Guingona (Philippine Daily Inquirer, Oktubre 26) – sa ibang salita, isang kunwaring impeachment. Matapos ang ilang pagdinig, ang kunwa-kunwariang impeachment ay dahan-dahan nang nawala at natigil na rin.

Para naman sa Partido ng Manggagawa (PM) at mga alyado nitong grupo (BMP, Sanlakas, Akbayan, Laban ng Masa), nag-organisa ito ng isang “working people’s summit” noong kalagitnaan ng Oktubre, na nananawagan para sa aksyong strike laban sa rehimen. Nagtakda ang summit ng isang pambansang araw ng protesta “upang manawagan sa pagtanggal kay Presidente Arroyo at maipahayag ang kanilang oposisyon sa expanded value-added tax na batas” (Manila Times, ika-10 ng Nobyembre, 2005). Ang EVAT na batas, ang pagtataas ng sales tax mula 10 hanggang 12 porsyeto, ay ipinatupad sa paghikayat ng International Monetary Fund. Subalit habang gumagamit ng mas “workerista” o linguwahe ng paggawa sa mga Stalinista at pambansang demokrata, ang blokeng ito ay umaangulo rin naman sa popular na prente. Ang layunin ng kanilang welgang bayan ay makapaglagay ng isang “transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno” na kasama ang mga seksyon ng burgesya.

Sinabi ng lehislador ng PM na si Renato Magtubo na ang “TRG” ay magpapa-unlad ng “mga batayang interes ng anak-pawis: makatarungang pangangalakal, isang makatarungang pautang [!], demokratisasyon ng yaman,” at iba pa. Subalit sa isang artikulo sa dyaryo ng PM na Obrero (Hulyo 2005), inamin ni Sonny Melencio na isasama sa sinasabing transisyunal na gobyerno ang “mga kinatawan ng burgis na oposisyon.” Sa gitna ng protesta noong Pebrero 24 laban sa state of emergency, si Melencio, na nagsasalita para sa Laban ng Masa, ay nagdeklara na, “Kami ay nananawagan para sa isang ‘Transisyunal na Rebolusyonaryong Gobyerno’ na malamang makapaglagay ng mga tao sa kapangyarihan na hindi na gugustuhing sumulong pa sa susunod na hakbang, subalit iyan ang susunod na hakbang.” Dagdag pa, ang lider ng Laban ng Masa na si Nemenzo ay naiulat na nakipag-ugnayan sa ilang matataas na opisyal ng AFP na nagpa-planong “bawiin ang suporta” kay Arroyo, at nag-organisa pa nga ng isang back-up na mga tao sa UP campus upang sumuporta sa mga Marines (Newsbreak, ika-14 ng Marso).

Ang PM/BMP/Sanlakas/Akbayan na bakod ay impluwensyado ng yumaong Felimon “Popoy” Lagman, na binaril hanggang sa mamatay noong 2001. Si Lagman, na humiwalay sa CPP noong 1994 matapos ibasura ang naka-base sa pesanteng “digmaang bayan” na tesis ng mga Sisonista, na naglalagay lamang sa urban na uring manggagawa sa papel na taga-suporta lamang ng rebolusyon. Subalit hind rin naka-hulagpos si Lagman sa Stalinistang dogma ng “dalawang hagdan ng rebolusyon.” Ang panawagan ng mga Lagmanista para sa aksyong manggagawa ay hindi naiiba sa mga panawagan para sa isang parlyamentong “pakikibaka” at para sa mga alyansang prenteng bayan sa burgis na oposisyon. Ipinapako ng mga ito ang mga panawagan laban sa EVAT sa mga demonstrasyon para sa isang transisyunal na “rebolusyonaryong” gobyerno upang mahatak ang mga mangangalakal, malalaking panginoong maylupa, mga trapo at mga heneral. Sa realidad, sila ay nananawagan para sa isa na namang kapitalistang gobyerno upang makapagbigay ilusyon ng mga maka-manggagawang patakaran habang pinatitindi ang mga anti-manggagawang represyon at “reporma,” na tulad ng ginawa ng mga gobyerno nina Aquno at Arroyo.

Para sa Permanenteng Rebolusyon! Buuin ang isang Trotskyistang Nukleyo sa Pilipinas!

Sa pagkukumpara, iginigiit ng mga Trotskyista na kinakailangang mapakilos ang uring manggagawa, mahirap na pesante at urban poor sa maka-uring batayan, sa pakikibaka laban sa tumitinding represyon na pinakawalan ng gobyernong Arroyo, at makipaglaban para sa sosyalistang rebolusyon.

Dahil ang Pebrero 24 ay ang ika-20 anibersaryo ng 1986 na pag-aalsang EDSA “people power” laban sa diktaduryang Marcos, nagkalat ang mga artikulo sa press na binabalikan ng tanaw ang mga pangyayari sa nagdaang kalating siglo ng kasaysayan ng Pilipinas. Naka-pokus ang mga diskusyon sa kung paano ang kaliwa, partikular na ang Communist Party of the Philippines, na matapos dominahan ang anti-Marcos na pakikibaka sa maraming taon, ay naisantabi sa krusyal na sandali ng burgis na oposisyon na nakapalibot kay Cory Aquino. Bilang sagot sa mga paratang na ang CPP ay “naiwan” dahil na rin sa Maoistang estratehiya nito na isinasantabi ang perspektiba ng isang insureksyong urban, depensibong sinagot ni Sison ito, sa pagsasabi na ang isang “pagsasanib ng iba’t-ibang mga puwersa” ang responsable sa pagpapa-bagsak kay Marcos (Philippine Daily Inquirer, Pebrero 24). Subalit ang katotohanan ay, matapos boykotin ang “snap election,” nagpagewang-gewang ang CPP sa pagsuporta sa mga kilusan ng mga opisyal militar na pinamumunuan ni Ramos at Ministro ng Depensa na si Enrile.

At bagamat ang nagre-retoriko itong humawak-ng-armas at dekada nang pakikidigmang gerilya, ang estratehiya ng CPP sa simula pa lamang ay ginigiyahan na ng Stalinistang programa ng popular na prentismo – ang maka-uring kolaborasyon sa mga sektor ng kapitalistang uri. Hindi lang ito naghahangad na makabig ang mga indibidwal mula sa hanay ng mga militar (tulad ng dating kolonel na Victor Corpus, na matapos ang ilang taon sa NPA ay bumalik sa AFP at naging nangungunang opisyal ng paniniktik militar) subalit makipag-alyado sa mga “nangungunang grupo” sa burgis na corps ng mga opisyal. Ang gerilyaistang pulitika ng CPP ay nangangahulugan lamang ng “armadong repormismo,” na naka-base sa peti-burgis na pesante imbes na sa proletaryado at naglalayon lamang na ma-presyur ang naghaharing uri. mula kay “Ninoy” at Corazon Aquino hanggang kay Gloria Macapagal Arroyo, paulit-ulit na hinahabol ng mga Sisonista ang mga pulitikal na alyansa sa burgis na “oposisyon,” kaya naman lagging lagi’t-lagi rin namang umaakto lamang ang mga ito bilang tau-tauhan ng isang bagong pulitiko ng naghaharing uri. matapos ang nakaraang “state of emergency,” sinulat ni Sison, sa isang pahayag noong Marso 15 na:

“Sa kawalan ng isang malakas na sibilyanng pulitikal na oposisyon na papalit sa rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng isang bagong sibilyan na gobyerno, ang mga kondisyon ay lalong nagiging hinog para sa pag-unlad ng aramadon na rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan gayondin para sa isang militar na coup ng mga opisyal militar at pulis na nakakita na na kailangang tanggalin ang mabahong rehimeng Arroyo upang maisalba ang naghaharing sistema mula sa armadong rebolusyon.”

Subalit ang “armado na rebolusyonaryong klusan” ni Sison ay hindi naglalayon ng isang rebolusyonaryong pagpapabagsak ng kapitalismong Pilipino; kundi, ito ay naglalayong makipagnegosasyon para sa papel ng CPP sa loob mismo ng sistemang kapitalismo.

Ang ganitong pananaw ng CPP ay hindi lamang sa Pilipinas. Sa isang artikulo sa Ang Bayan (ika-21 ng Disyembre 2005) hinggil sa “Isang nagkakaisang prente laban sa monarkiyang Nepales” pinuri nito ang Partido Komunista ng Nepal (Maoista) sa paglalaglag ng “sektaryang” patakaran nito patungkol sa burgis na oposisyon:

“Sa mga nakaraan, ang CPN(M) ay masyadong “Kaliwa” sa pakikipag-relasyon nito sa mga parlyamentong partido. Maka-isang panig na tinitingnan ng CPN(M) ang mga ito bilang mga oportunista at tinututulan nito ang pagmimintina ng relasyon sa mga ito. Sa bisperas ng patuloy na pagmartsa ng CPN(M) sa tagumpay, naunawaang lubos ng partido na iyan ay maling patakaran. Naituwid na nito ang sektaryanismong nabanggit.”

Kaya naman batay kay Sison & Co., ang mga Maoistang Nepales ay mga ultra-kaliwang sektaryan dahil hindi ito nakapagbuo ng pulitikal na alyansa sa mga burgis na parlyaentong partido, isang “pagkakamali” na “naituwid” na. Sa katotohanan, sa parehong bansa ng Nepal at Pilipinas, ang armadong pakikibaka ng mga Maoista sa kung ilang taon na ay naglalayong makipag-alyado sa mga kapitalistang sektor. Ang CPN(M) sa umpisa ay nasa isang bloke kasama ang burgis na oposisyon hanggang sa ito ay masipa, habang ang CPP naman ay sumuporta sa pagpuwesto nina Aquino at Arroyo. Kaya naman ngayon naghahanda itong muli na ulitin ang pagkakanulong ito.

Ang tanong sa kung paano lalabanan ang mga bonapartistang rehimen sa mga mala-kolonyal na bansa tulad ng sa Pilipinas at Nepal ay hinda na bagong isyu. Nagkalat ang mga tumitindig na diktador sa tinatawag na “Third World.” Ito na ang naging kalakaran simula ng ibigay ng mga kolonyalistang kapangyarihan ang pulitikal na independensya ng kanilang mga dating kolonya habang patuloy namang nilulukuban ng ang ekonomiya at dinodominahan ang pulitika ng mga bansang ito ng imperyalismo. Sa pakikipaglaban sa mga diktaduryang ito, tipikal nang ina-alyado ng mga Stalinista ang kanilang mga sarili sa yaong nagpapakilalang demokrata. Subalit dahil na rin ang tendensiya patungo sa bonapartistang paghahari sa mga mala-kolonya ay natural sa imperyalistang sistema, mula sa Tsina noong dekada ng 1920 hanggang sa Tsile noong dekada ng 1970, ang mga burgis na mga “demokrata” ay paulit-ulit ring nahuhubaran ng balat at nagiging mangangatay, na inaatake ang kanilang mga alyadong maka-kaliwa o kaya naman ay nagbibigay-daan sa pagdanak ng dugo laban sa mga manggagawa at pesante. Kaya naman ang Stalinistang programa ng mga “hagdan,” na hiniram nito sa mga Menshebik na sosyal-demokrata, ay nagiging pagluluto para sa madugong pagkatalo.

Binigyang-diin ni Leon Trotsky, ang co-leader ni V.I. Lenin sa 1917 ng Rebolusyong Bolshebik sa tsaristang Rusya, ang kawalan ng kakayahan ng mga burgesya sa mga atrasadong sa pang-ekonomiya na kapitalistang bansa na maipagtagumpay maging ang mga batayang tungkulin ng demokratikong rebolusyon, lalo na ang demokrasya, rebolusyong agrarayo at pambansang pagpapalaya. Kaya naman iginigiit ni Trotsky, sa tesis niya hinggil sa permanenteng rebolusyon, ng pangangailangan para sa proletaryado, na sinusuportahan ng pesante at pinamumunuan ng komunistang partido, na agawin ang kapangyarihang pulitikal upang maabot ang mga demokratikong panawagan at isunod kaagad-agad ang mga sosyalistang tungkulin, ekspropriasyon ng burgesya at pagpapaabot ng rebolusyon sa internasyonal na larangan. Ito ang programa ng Rusong Rebolusyong Oktubre, na kaiba sa kambal na patakaran ni Stalin ng pagbubuo ng “sosyalismo sa iisang bansa” at “hagdan-hagdang rebolusyon,” na sa praktika ay ang pormasyon ng mga “prenteng bayan” sa mga puwersa ng burgis na wala sa kapangyarihan. Dahil ang resulta ay ang sunod-sunod na kapahamakan noong dekada ng 1930, mula Alemanya hanggang Espanya at Pransya, tinawag si Stalin bilang “ang dakilang organisador ng mga pagkatalo.”

Sa huli nitong sulatin, na nakalatag sa kanyang lamesa ng siya ay patayin ng isang Stalinistang ahente, kinilala ni Trotsky na:

“Ang mga gobyerno ng mga yaong atrasadong bansa na kinokonsidera ng mga ito na hindi matatakasan o mas makabubuti para sa kanila na magmartsa kasabay ang dayuhang kapital, wasakin ang mga organisasyon sa paggawa at magpatupad ng isang humigit kumulang na rehimeng totalitarian. Kaya naman, ang kahinaan ng pambansang burgesya…, ang presyur ng dayuhang kapitalismo at ang relatibo na mabilis na pag-unlad ng proletaryado, ang naghahawan ng lupa mula sa ilalim ng anumang klase ng matatag na demokratikong rehimen. Ang mga gobyerno ng mga atrasado, s.e., mga kolonyal at mala-kolonyal na bansa, ay humigit kumulang na nagkakaporma bilang isang Bonapartista o mala-Bonapartistang katangian; at nag-iiba iba ang mga hugis nito, na ang ilan ay sumusubok na tumungo sa isang demokratikong oryentasyon, na kumukuha ng suporta sa hanay ng mga manggagawa at pesante, samantalang ang iba naman ay nagtatayo ng isang malapit sa militar-pulis na diktadurya.”
Leon Trotsky, “Mga Unyon sa Paggawa sa Kapanahunan ng Imperyalistang Pagkabulok” (Agosto 1940)

Walang duda na ang gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo ay nabibilang sa isang klase ng mga mala-bonapartistang rehimen na patungo sa hubad na militar-pulis na paghahari. Kaya naman, ano, ang dapat na maging patakaran ng proletaryado tungo sa nabanggit na rehimen? Ang programang makasasagot rito ay ang programa ng permanenteng rebolusyon, ng pakikibaka para sa isang rebolusyon ng mga manggagawa na tanging makapag-bibigay ng solusyon para sa isang tuloy-tuloy na agraryong rebolusyon laban sa mga malalaking kapitalistang panginoong maylupa na nang-aapi sa pesante; na tanging makawawasak sa pagkalukob ng imperyalismo at mapagtagumpayan ang pambansang pagpapalaya; na tanging makakabali sa walang katapusang tsubibo ng imperyalistang paglalagay ng mga peti-tiraniko na umaalipin sa naghihirap na mga masa.

Tinatawag ng mga Stalinista at sosyal demokrata si Arroyo na imperyalistang papet, at talaga namang papet ito ng imperyalismo. Subalit ano ang ibig sabihin nito sa praktika? Na maaaring mailagay ang isang, independente, makabayang burgis na lider sa puwesto ni Arroyo? Sino sa mga kapitalistang pulitiko na walang tigil na nag-aagawan at walang katapusang nagpla-planuhan ng kudeta na mga opisyal ng militar na kakayaning tumindig sa mga imperyalistang papetir na amo at sa libo-libong mga tropa nito sa Pilipinas? Malinaw na wala ni isa sa kanila. Ang isa na namang burgis na lider sa pPalasyo ng Malakanyang ay hindi mapipigilan na maging papet muli ng Washington at Wall Street hanggat ang impeyalistang panlulukob ay mawasak, na nangangailangan ng proletaryong rebolusyon magmula sa mga mala-kolonyal na bansa hanggang sa mga haligi ng pandaigdigang kapitalismo. Sinulat ni Trotsky sa kanyang “Manipesto ng Ika-Apat na Internasyonal Hinggil sa Imperyalistang Digmaan at Ang Pandaigdigang Proletaryong Rebolusyon” (Mayo 1940):

“Batid ng Ika-Apat na Internasyonal bago pa man at hayagan nagbibigay-babala sa mga atrasadong bansa na ang kanilang atrasado na pambansang estado ay hind na makaka-asa sa isang independente na demokratikong pag-unlad. Dahil napapaligiran ng nabubulok na kapitalismo at nakalubog sa mga imperyalistang kontradiksyon, ang independensya ng isang atrasadong estado ay hindi mapipigilan na maging kunwari lamang, at ang pulitikal na rehimen nito, sa ilalim ng impluwensya ng internal na mga maka-uing kontradiksyon at eksternal na presyur, ay hindi maiiwasang dumausdos sa diktadurya laban sa mamamayan…Ang pakikibaka para sa pambansang independensya ng mga kolonya ay, mula sa tindig ng rebolusyonaryong proletaryado, ay isa lamang transisyonal na hagdan sa daan tungo sa pagkabig ng mga atrasadong bansa tungo sa internasyonal na sosyalistang rebolusyon.”

Sa Pilipinas sa kasalukuyan, ang walang tigil na pagmartsa tungo sa isang bonapartistang “malakas na estado” na rehimen ay maaari lamang mapigilan ng isang rebolusyonaryong mobilisasyon ng uring manggagawa, na sinusuportahan ng naghihirap na pesante at milyon-milyong urban poor. Ang ganitong pagpapakita ng kapangyarihan ang hahatak ng suporta sa mga seksyon ng mga nag-aatubiling panggitnang uri na natatakot sa kaguluhan at isang bagong ala-Marcos na rehimen o militar na junta. Ang pakikipaglaro sa pulitika sa burgis na oposisyon at mga konspirador na opisyal militar, na tulad ng ginagawa ng repormistang kaliwasa “Oust Gloria” at impeachment na kampanya, ay kumakapon lamang sa pakikibaka. Maaari pa nga ito na magbukas ng pintuan para sa Imperyalismo U.S. na i-engineer ang isang “pagbabago sa kontrol” sa subsidyaryo nito sa Pilipinas, tulad ng ginawa ng Washington sa pagsipa kay Marcos at paglalagay nito kay Aquino.

Kinakailangang maimobilisa ang kapangyarihan ng proletaryado sa mga kalye at sa mga aksyong strike laban sa bawat atake sa mga demokratikong karapatan at sa bawat hagupit sa mga kabuhayan ng mga masa. Ang isang kampanya na naka-base sa uring manggagawa ang kinakailangang mailunsad upang mapalayas ang mga tropang Amerikano at mga ahente nito mula sa Pilipinas. Isang internasyonal na kampanya naman ang kinakailangang mailunsad upang mapalaya si Crispin Beltran at iba pang prisonero ng rehimeng Arroyo. Higit sa lahat, ang nukleyo ng isang Trotskyistang parido ay dapat mabuo, na nagpapakita ng mga burgis na pulitika ng mga nakukumpetisyunang mini-prenteng bayan at pulitikal na hinahamon ang hegemonya ng mga Stalinista at sosyal-demokratikong pulitika sa kaliwa.

Dinedeklara ng Liga para sa Ika-Apat na Internasyonal na kung ninanais ng Pilipinong anak-pawis na walisin ang walang katapusang korapsyonat brutal na represyon ng paghahari ng burgesya and tuluyang tapusin ang malawakang paghihirap ng kapitalistang pagsasamantala, kinakailangan nila ang isang rebolusyonaryo-internasyonalista, Leninista-Trotskyista na partido ng mga Manggagawa upang pangunahan ang labang iyan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Timogsilangang Asya at sa mga sentro ng pandaigdigang imperyalismo. n


To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com

Return to THE INTERNATIONALIST GROUP Home Page