. |
Setyembre 2008 Pakilusin ang mga Aksyong Manggagawa Upang Depensahan ang Pakikibaka ng Bangsamoro!
Buuin ang Isang
Leninista-Trotskyistang Partidong Pilipino! Ang
mga labanan sa pagitan ng mga tropang AFP at MILF ay nagsimula noong
isang
buwan ng biglaang tanggihan na pirmahan ng mga opisyal ng gobyerno ang
isang
Momorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na ni-negotiate sa
MILF.
Ang nasabing kasunduan ay mangangahulugan sana ng pagbubuo ng isang
panrehiyong
autonomous na “entidad” sa mga tradisyonal na lupain ng mga Bangsamoro.
Magpipirmahan na sana ang dalawang panig noong August 5, nang sa huling
sandali
biglaang iniatras ni Arroyo sa kadahilanan ng isang injunction daw ng
hawak sa
leeg nitong Supreme Court. Subalit ang totoong nangyari ay ni-leak ng
mga
hardliner na militar sa negotiating team sa press, na nagdulot ng
malawakang
protesta sa mga lokal na opisyal na Kristyano sa mga lugar na isasama
dapat sa
Bangsamoro Juridical Entity (BJE), na siyang inisyuhan ng court
injunction ng
Supreme Court. Sa galit ng mga kumander ng mga pwersang militar ng
MILF,
inukopa ng mga ito ang mga baranggay na kasama nga sa BJE, habang ang
mga
maka-kanan na lokal na opisyal ay nag-anunsyo ang pagkaka-buo ng
“Reform the
Ilaga Movement” upang hantingin ang rebeldeng MILF. (Ang kinatatakutan
na mga
Ilaga vigilantes ay notorious sa pamamaslang, pagmasaker at panununog
ng mga
komunidad na Muslim at mga maka-kaliwang aktibista noong panahon ng
diktadurya
ni Ferdinand Marcos.) Sa
huling talaan, umabot na sa 100 katao ang napatay sa panibagong
eskalasyon ng
labanan, daan-daan na ang sugatan, at umaabot na sa 500,000 ang
napalayas sa
kani-kanilang tirahan dahil na rin sa sagupaan ng mga tropang AFP at
MILF,
kasama na ang gantihang panununog ng mga Muslim at Kristyanong
komunidad at mga
komyunal na masaker. Habang nagsusumigaw ang press sa mga atrosidad ng
MILF,
malinaw na ang responsable sa lahat ng mga pangyayaring naganap sa
Mindanao ay
ang kapitalistang gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo dahil na rin sa
iresponsableng
pagbabangga nito sa mga Pilipinong Kristyano at Muslim. Kinalkula ng
AFP na
kakayanin nitong lipulin ang mga pwersang MILF, sa pamamagitan ng
pagpapakita
ng kaseryosohan di-umano ng labing-isa nang taon na ceasefire, upang
makapag-konsentra ang militar sa mga gerilya naman ng New Peoples Army
(NPA).
Dagdag pa, bago pumutok ang panibagong digmaan sa Mindanao, nais sanang
gamitin
ni GMA at ng kanyang mga militaristang kroni na sina Eduardo Ermita at
Norberto
Gonzales ang MOA-AD upang mailusot ulit ang cha-cha (charter change) ng
Konstitusyon,
na magbibigay ng panibagong paglawig ng kanilang kasalukuyang termino
(na
napanalunan naman sa pamamagitan ng malawakang dayaan) bago matapos ang
2010.
Subalit ang plano nilang ito ay sumabog sa kanilang mukha matapos
makasalubong
muli ng paglaban ng mga mamamayan. Sa
kabilang banda, panay ang alulong sa gobyerno ng mga liberal na burgis
at mga
peti-burgis na kaliwa upang muling ibalik ang “peace process,” na kahit
saang
angulo tingnan ay nagreresulta lamang ng paghina ng mga rebelde. (Ang
usapang
pangkapayapaan sa NPA ay nabinbin na simula noong 2004.) Subalit
sinagot ito ni
Arroyo sa pag-anunsyo na magmula ngayon, ang lahat ng negosasyong
pangkapayapaan
ay ibabatay na sa ilalim ng prinsipyong “disarmament, demobilization,
rehabilitation” (DDR) – na sa maikling salita ay pagsuko. Taliwas sa
mga
pangarap ng mga repormista/ liberal na “kapayapaan,” kikilos ang mga
rebolusyonaryo upang maimobilisa ang mga manggagawang Pilipino upang
palayasin
ang mga pwersang Amerikano, anuman ang status ng mga ito sa bansa;
pwersahin na
umatras ang AFP mula sa mga pinagtatalunang lugar sa Mindanao; at
dedepensahan
ang mamamayang Bangsamoro at ang kanilang karapatan sa sariling
pagpapasya. Kolonisasyon,
Insurhensiya at Kontra-Insurhensiya Ang
mga isla ng Mindanao at archipelago ng Sulu ay kakaiba sa mga isla ng
Luzon at
Bisaya sa usaping pang-etniko at linguistiko noon pang mga nagdaang
siglo. Na-convert
sa Islam ang mga islang nabanggit noong 1400 siglo sa ilalim ng Sultan
ng Sulu
at Sultan ng Maguindanao. Hindi ito tuluyang nakolonisa ng mga
Espanyol, na sa
dulo nga ay kinilala pa ng Espanya ang independensya ng Sultan ng Sulu.
Nang
masakop ng Estados Unidos ang Pilipinas matapos ang Digmaang
Amerikano-Espanyol
noong 1898, naglunsad ito ng malawakang masaker sa Isla, partikular na
ang
labanan sa Bud Dajo (1906) kung saan 1,000 mamamayang Moro ang pinatay,
kasama
ang mga bata at babae, sa nasabing lugar. (Ang Moro Masaker na ito ay
naging
kilala sa pamamagitan ng Anti-Imperyalistng Liga sa Estados Unidos
partikular
na ng Bise-Presidente nitong si Mark Twain, na nakipaglaban para sa
independensya ng Pilipinas.) Sa pagsakop ng mga kolonyal na
tagapamahala at
paglalatag nito ng otoridad sa nakalipas na ilang dekada, sinakop na
rin ng mga
malalaking korporasyong Amerikano ang halos buong Mindanao, kasama na
ang
Firestone (goma); Dole, Del Monte at United Fruit (pinya), at ang mga
higanteng
kumpanya ng kahoy na Weyerhauser at Boise Cascade. Noon lamang 1946, sa
pagbibigay ng independensya ng Estados Unidos sa Pilipinas, pormal na
isinali
ang Mindanao sa PIlipinas. Nagsimulang
manirahan ang mga
Kristyanong dayo sa rehiyon noong dekada 20 at 30. Noong mga taong
1950, bilang
bahagi ng programang anti-Komunistang kontra-insurhensiya laban sa
Hukbong Mapagpalaya
ng Bayan (HMB), kinumbinasyon ng gobyerno ang malawakang asasinasyon ng
mga
“suspek na gerilya” at isang “reporma sa lupa” na nagdala ng mga
pesante mula
Luzon at Bisaya sa mga militarisadong kolonya sa Mindanao. Subalit ang
tunay na
pagbulwak ng migrasyon ay naganap isang dekada pa ang lumipas: “Ang
kilusan
upang maglipat ng mga Kristyanong settler ay tumindi sa ilalim ng
rehimeng
Marcos – kung saan higit sa tatlong milyong Kristyano ang tinatayang
lumipat sa
Mindanao sa pagitan ng 1966 at 1976, ang unang dekada rin ni Marcos. Ang kinahinatnan ng kilusang ito ay
napakatindi” (Ajiz
Ahmad, “Class and Colony in Mindanao,” in Rebels, Warlords and
Ulama: A
Reader on Muslim Separatism and the War in Southern Philippines
(Institute
for Popular Democracy, 2000). Pagsapit ng 1976, ang populasyon ng mga
Muslim sa
Mindanao ay bumagsak sa 40 porsyento sa pangkabuuan, kumpara sa 98 na
porsyento
sa pagsisimula ng kolonisasyon ng mga Amerikano, at hindi hihigit sa 17
porsyento
naman ang naging pag-aari ng mga Moro, karamihan pa nito ay sa mga
malayo at
hindi matabang lupa sa kabundukan. Sa pagiging minoridad ng native na
populasyon dahil sa kolonisasyon, naging susing isyu ang katanungan ng
mga
ancestral na lupain. Noong
maagang bahagi ng dekada ng 1970, isang insurhensiya ang sumulpot sa
Muslim na
populasyon na nagtulak sa pagtatatag ng Moro National Liberation Front
(MNLF).
Nakakuha ng pagsang-ayon ang Prente mula sa Organization of Islamic
Conference
(OIC) at sa rehimen ni Qaddafi ng Libya. Sa inisyal nagtagumpay sa mga
labanan
ang MNLF sa AFP, subalit matapos ang walang pinipiling pagtarget ng mga
bobombahin, kasama ang mga sibilyang Muslim, malawakang pag-rape,
panununog ng
buo-buong sityo at komunidad, at masaker, nakaranas ng mga militar na
pagkatalo
ang MNLF. Nang sinimulan ng OIC ang pag-presyur para magkaroon ng
negosasyon,
isang Tripoli Agreement ang nabuo noong 1976 para sa isang autonomous
na
rehiyon sa Mindanao. Subalit dahil na rin sa delaying tactics ng
gobyerno sa
negosasyon at panawagan nito para sa isang plebesito sa 13 probinsyang
apektado
(siyam na nga sa mga probinsyang isasa-ilalim sa plebesito ay dominado
na ng
mga Kristyano sa usaping populasyon), nag-collapse ang usapan. Noong
1984
nahati ang insurhensiya at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay
nabuo,
na mas nakatutok sa relihiyon kaysa sa etniko nasyonalistang
oryentasyon ng
MNLF, nananawagan ang MILF na ang negosasyon para sa awtonomiya ay isa
lamang
patibong at kinakailangan ang armadong pakikibaka para sa
independensya.
Matapos ang panibagong pagbulwak ng pakikibakang gerilya noong umpisa
ng dekada
ng 1990, pumirma ang MNLF ng isang Memorandum of Agreement noong 1996
na
nagbubuo ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Hinalal na
gobernador
ng ARMM si Nur Misuari ng MNLF. Sa “pagkakabili”
ng mga lider ng MNLF sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga posisyon sa
ARMM, ang
kapa ng militanteng oposisyon ay tuluyang nakuha ng MILF. Subalit
pagdating ng
1997 nakipag-negosasyon na rin ang MILF sa Malakanyang. Noong 2000-01,
isang
paksyon muli ang sumulpot, ang Abu Sayyaf Group (ASG), na nagsimula sa
pakikipag-ugnayan ng mga estudyanteng Muslim sa mga jihadi
(mga naniniwalang sagrado ang pakikidigma ng mga Muslim sa
mga Kristyano) mula Indonesia hanggang Afghanistan. Imbes na
pang-masang insurhensiya
ang inilunsad tulad ng sa MNLF at MILF, nagkokonsentra ang ASG sa
kidnapping
for ransom at walang habas na pananakot sa pamamagitan ng pambobomba sa
mga
pang-masang transportasyon at Kristyanong komunidad. Naulat nga na
kapalit ng
patuloy na negosasyon, nakikipag-coordinate ang MILF sa gobyerno upang
durugin
ang ASG at mapalayas ang mga ito sa kanilang orihinal na base
(International
Crisis Group, “The Philippines: Counter-Insurgency vs.
Counter-Terrorism in
Mindanao,” May 2008). Inaasahan ng MILF na sa kanilang kooperasyon sa
gobyerno
upang tugisin ang mga ASG, ibibigay sa kanila ang kontrol ng Bangsamoro
Juridical
Entity, na sumasakop sa erya na na-negotiate rin ng MNLF sa ilalim ng
Autonomous Region of Muslim Mindanao. Subalit malinaw na hindi na
kailangan ng
mga heneral ng AFP ang serbisyo ng MNLF man o MILF. Dahil simula noong
isang
taon, nagkaroon ng mga engkwentro ang mga unit ng AFP sa dalawang
prente, at
matapos ang tila walang katapusang negosasyon, biglaan na nga itong
tinapos ng
gobyerno noong August 4. Sa ilalim ng
Memorandum of Agreement on Ancestral Domain
(MOA-AD) na sinimulan at pipirmahan na sana sa isang seremonya sa
Malaysia, ang
BJE ay magkakaroon di-umano ng sariling paggo-gobyerno, kasama na rito
ang
pamamahala ng likas yaman. Dagdag pa, mas malaki ang teritoryo ng BJE
dahil
bukod sa buong ARMM, isasama pa rito ang mga baranggay na dominante ang
populasyon ng mga Muslim na nakakalat sa buong Mindanao. Subalit ng
i-leak ang
MOA-AD, naglunsad ng mga protesta ang mga lokal na opisyal at maging
ang
liberal na media sa Maynila ay tumutol sa mga probisyon na pinapayagan
na
magkaroon ng pang-ekonomiyang koopersyon ang BJE sa mga dayuhang bansa
(“Don’t
Sign – Yet,” editorial in Philippines Daily Inquirer, 4
August). Kasabay
niyan, nag-isyu ang Supreme Court ng pagpigil sa implementasyon ng
kasunduan at
iniutos ang “further review” sa gobyerno. Dahil rito, ilang lokal na
kumander
ng MILF ang nagdesisyon na ipatupad ang MOA-AD, na sinagot naman ng
gobyerno sa
pamamagitan ng pagpapadala ng mga pinagsanib na puwersa ng AFP upang
ipatupad
naman ang “punitive actions” laban sa mga gerilya at binomba ang mga
kampo ng
MILF. Dagdag pa, naglagay ang gobyerno ng mga patong sa ulo sa mga
kumander ng
mga rebelde, at namigay ng mga baril sa mga Ilaga na nanunog ng mga
kabahayan
ng mga Muslim at nagpapakalat ng anti-Moro na sobinismo sa North
Cotabato. Ito
ngayon ang pagsisimula ng mga patayan. Para
sa Permanenteng Rebolusyon sa Timogsilangang Asya! Sa
paghahanap ng dahilan nito sa kanyang patakaran na “disarmament,
demobilization
and rehabilitation” bilang tanging batayan ng pakikipag-usap ng
kapayapaan,
sinabi ng presidente na hindi ito magkakaroon ng negosasyon sa MOA-AD
“ng may
nakatutok na baril.” Subalit kung
susumahin,
ang ibig sabihin nito ay: makakapag-usap lamang tayo ng “kapayapaan” sa
harap ng mga baril ng AFP. Ang mga
nilatag na batayan ni “Heneral” Arroyo kahit kailan ay hindi umubra
bilang
batayan para sa isang kasunduang pang-kapayapaan sa pagitan ng mga
naglalabanang armadong grupo, at bakit nga ba uubra? Nangangahulugan
lamang ang
“DDR” ng pagsuko at kapitulasyon, na hindi gagawin ng sinumang
rebeldeng grupo
liban na lamang kung sila ay patalo na. Ang tunay na patakaran ng
gobyerno ay
masusuma sa Oplan Bantay Laya nito,
na inanunsyo noong 2002 bilang bahagi ng “global war on terror” (GWOT
sa salita
ng mga nasa Pentagon) ng Estados Unidos. Ang layunin ng “pinal na
solusyon” na
ito sa rebelyon ay “upang tuluyang talunin ang mga rebeldeng armadong
grupo,”
partikular na ang New People’s Army (NPA), “pababain ang pang-militar
na
kakayanan ng mga SPSGs” (Southern Philippines Secessionist Groups – mga
rebeldeng Moro sa Mindanao). Dahil rito, nakakuha ang Pilipinas ng
tulong
militar na nagkakahalaga sa $4.6 bilyon mula sa Treasury ng Estados
Unidos. Ayon
sa isang statement na inilabas noong Setyembre 3 ni Amirah Ali Lidasan,
presidente ng Suara Bangsamoro, ang pagbasura ng negosasyon sa MILF ay
nagpapakita lamang na hindi naging seryoso ang rehimeng Arroyo sa
pagkakaroon
ng kapayapaan sa mga rebelde. Ito rin ang katotohanan na ang mga
nilalaman ng
MOA-AD ay pilit na itinatago. Ang nais ngayon ni GMA ay ibala ang mga
tribu ng
mga Lumad na nasa kabundukan at mga Kristyanong settler sa kapatagan
laban sa
mga Moro upang tapusin na ang dekadang-taon nang rebelyon ng mga
Bangsamoro. Inihambing
nito ang puwersahang pagpapalayas ng mga Moro sa kanilang mga lupain sa
pamamagitan
ng walang katapusang operasyong militar sa kasalukuyang sitwasyon:
“Nawala rin
sa mga settler at mga Lumad sa Mindanao ang kanilang mga lupain sa
katulad ring
dahilan. Pinagaaway-away tayo sa natirang mga lupain, na sinaid na ng mga
multi-nasyunal na korporasyon at mga panginoong maylupa.” Subalit
nananawagan lamang
ang Suara Bangsamoro upang pagkaisahin ang iba’t-ibang
pinagsasamantalahang
sektor sa (burgis) demokratikong
batayan, imbes na sa ilalim ng isang programa ng nagkakaisang maka-uring pakikibaka. At tila nagmamaka-awa
pa itong nananawagan kay Arroyo na “ipagpatuloy ang atmosphere of peace
sa Mindanao!”
Ang tanong: Gagawin ba ni Arroyo ang panawagang ito matapos bumunot ng
espada
at pakawalan ang mga kabayong pandigma? Ganito rin ang naging
tema ng pananalita ng liderato ng
MILF, na sumagot sa mga pronouncement ng goberno sa pamamagitan
pag-isyu ng mga
statement na hindi nito ina-abandona ang usapang pangkapayapaan at
patuloy
nitong hihingiin sa gobyerno ng Pilipinas na ipatupad ang Memorandum of
Agreement on Ancestral Domain. Dagdag pa ng MILF, hihintayin pa nito
ang pormal
na paunawa mula sa mga Malaysian facilitators sa naging maka-isang
panig na
desisyon na tapusin na ang negosasyon! Ang ganitong inutil na
ligalistikong
apela ay hindi makakapigil sa rehimen ni Arroyo na naghahanap na nga ng
pagdanak ng dugo. Samantala, sinabi naman ni Congressman Satur Ocampo
ng Bayan
Muna na matagal na nitong suspetya na walang intension ang gobyerno na
pirmahan
ang MOA-AD, at iniliatag pa nga nito na ang DDR ang patakaran rin ng
gobyerno
kaya nabalam ang “peace talks” sa National Democratic Front. Ang iba
namang
maka-kaliwang grupo ay naglunsad na ng mga kilos protesta laban sa
digmaan sa
Mindanao, at nananawagan para sa muling pagbalik sa lamesa upang
makapag-usap
muli ng kapayapaan. Subalit ang lahat ng pagsisikhay ng MILF at NPA
upang
magkaroon ng negosasyon at renegosasyon ay siguradong hindi
magtatagumpay: sapagkat
napatunayan na ng kasaysayan na ang ganitong mga usapang
pang-kapayapaan ay
hindi nakakapagresolba sa mga isyu na nagdulot ng dekadang-taon nang
rebelyon
sa buong Pilipinas. Walang
burgis na gobyerno sa Malakanyang ang magbibigay
ng mga lupa sa mga naghihirap na pesante o kaya ay tunay na awtonomiya
sa mga
pinagsasamantalahang etnikong mamamayan ng ating bansa. Ang ganitong
solusyon
ay mangangahulugan lamang ng pagbagsak ng gobyerno at magbibigay lamang
ng
malaking dagok sa kapitalismong Pilipino, na nakabatay sa
super-eksploytasyon
at kamay na bakal na represyon. Ang patakaran ni GMA ay hindi iba sa
mga naging
patakaran ng mga gobyernong sinundan nito. Kapag nakipag-“negosasyon”
ang
gobyerno, ito ay upang paghinawain lamang ang mga rebelde, o kaya ay
maiwasan
lamang ang tuluyang pagbagsak nito sa pamamagitan ng isang malawakang
pag-aalsa. Hindi aksidente na lahat ng gobyernong Pilipino simula noong
maging
“independente” sa mga Amerikano sa esensya ay mga bonapartista,
mga rehimeng nakabatay ang kapangyarihan sa military
na paghahari. Sinuman ang nakaupo sa Malakanyang – si GMA o si Heneral
Fidel V.
Ramos man, ang “demokratang” si Cory Aquino o ang diktador na si
Ferdinand
Marcos – ang AFP ang siyang nagdedesisyon para sa mga Pilipinong
kapitalista at
ang kanilang mga Kano na panginoon. Hindi rin ito pekyulyar sa
Pilipinas: ito
ay isa lamang kumpirmasyon ng teorya at programa ni Leon Trotsky na permanenteng
rebolusyon. Binatay nito ang
pagsusuri sa natalong Rebolusyon Ruso ng
1905, at sa sumunod na matagumpay na Rebolusyong Oktubre ng 1917,
sinulat ni
Trotsky na sa kapanahunan ng imperyalista hindi kayang maisulong ng mga
mahihinang burgesya sa mga bansang nahuhuli ang kapitalistang pag-unlad
(maging
ito ay mala-pyudal, kolonyal o mala-kolonyal) ang pagsasakatuparan ng
burgis na
rebolusyon. Tanging ang uring manggagawa ang makapagtatagumpay ng
pambansang
pagpapalaya, rebolusyong agraryo at demokrasya sa pamamagitan ng
pangunguna
nito sa mga mahirap na magsasaka at lahat ng pinagsasamantalahan sa
pag-agaw ng
pulitikal na kapangyarihan, sa ilalim ng pamumuno ng isang partido
komunista,
at pagpapatupad kaagad ng mga sosyalistang tungkulin habang pinalalakas
ang
internasyunal na rebolusyon sa mga imperyalistang sentro. Ang
programang ito ay
malinaw na kaiba sa Stalinista-nasyonalistang delusyon ng pagtatayo ng
“sosyalismo
sa isang bansa.” Ang ilusyunadong katangian ng anti-Marxista na dogmang
ito ay
napatunayan sa pagbagsak ng Unyon Sobyet at ng mga pinamumunuan ng mga
Stalinista:
ang mga burukratiko-depormadong estado ng mga manggagawa sa Silangang
Europa.
At malinaw na pinakikita ito ng mga Pilipinong Stalinista ng CPP, na
kung
titingnan hindi na nga nakikipaglaban para sa isang limatadong
pambansang
rebolusyon. Tumitindig ang mga
Trotskyista sa
tabi ng mga pesanteng gerilya ng NPA at sa mga rebeldeng Bangsamoro
laban sa
mamamatay-tao na kapitalistang rehimen ng Pilipinas, nang hindi
sinusuportahan
ang kanilang repormista at burgis-nasyonalistang pulitika.
Ang “armadong pakikibaka” ng mga Pilipinong Stalinista sa
esensya ay “armadong repormismo”: tulad ng MNLF at MILF, ginagmit
lamang ng
CPP, NPA at NDF ang kanilang mga militar na puwersa bilang bargaining
chip
upang mai-negotiate ang kanilang mga sarili sa pag-upo sa opisina ng
burgis na
estado. Hindi nila pangarap na gayahin ang Rusya ni Stalin o kaya’y ang
Tsina
ni Mao, nais lamang ng mga ito na kopyahin sa isang mas maliit na erya
ang
kanilang mga Nepalese na kasama na sa ngayon ay nagpapatakbo ng burgis
na
estado sa Nepal (at inaatake ang mga manggagawang Nepalese). At kung
sakali sa
pamamagitan ng isang himala sila ay madyo naging matagumpay, hindi nito
mapapalaya ang mga urban at rural na anak pawis o kaya ang
pinagsasamantalahang
mamamayang Bangsamoro kundi patitibayin lamang nito ang kapitalistang
status
quo. Pakilusin ang mga
Aksyon ng Manggagawa Upang Depensahan
ang Bangsamoro! Ang
Liga para sa Ika-Apat na Internasyonal, ay nananawagan sa manggagawang
Pilipino
na magkaisa – maging sila ay mga Kristyano, Muslim, Lumad o anumang
mamamayang
etniko – at makipaglaban upang walisin ang rehimen sa pamamagitan ng
rebolusyonaryong maka-uring
tunggalian. Ang mga rally para sa kapayapaan ng iba’t-ibang maka-kaliwa
at
cause-oriented na grupo sa pinaka-rurok ay magpapakita lamang ng
indignasyon,
subalit hindi nito maibabagsak o kahit maalog man lang ang
kapitalistang
kaayusan. Ang perspektiba ng mga repormista ay makapagbuo ng mga prenteng bayan, na nagtatali sa mga
manggagawa sa urong-sulong na burgis na “oposisyon.” Nais gayahin ng
mga repormista
ang malawakang protesta na nagpalayas kay Marcos (sa pagpayag ng mga
Amerikano)
at naglagay sa poder kay Cory Aquino bilang figurehead nina AFP Chief
of Staff
Ramos at Enrile – subalit milya pa ang kanilang hahabulin para
magkaroon ng
katuparan ang kanilang pangarap. Samantala, patuloy na nagdudulot ng
matitinding dagok si Arroyo at mga heneral nito sa mamamayang Moro at
sa iba
pang nag-armas laban sa naghaharing uring Pilipino. Sa kabilang banda,
ang
pagpapakilos ng mga manggagawang Pilipino para sa kongkretong aksyon
laban sa
digmaan sa Mindanao, kasama na ang mga aksyong strike sa mga
mahahalagang
lokasyon kapag posible, manawagan ng pag-atras ng mga tropa ng AFP at
pagpapalayas ng mga puwersang Amerikano, ay maaaring makapagbigay ng
tunay na
dagok sa ngalan ng inaatakeng populasyong Bangsamoro. Sa
ngayon, ang mga organisasyon ng uring
manggagawa sa Pilipinas ay pasubsob. Tila anino na lamang ang lakas ng
mga
unyon kumpara sa mga nagdaang taon. Sa isang ulat ng Ecumenical
Institute for
Labor Education sinabi nito na noong 1995 humigit-kumulang sa 14.5% ng
kabuuang
bilang ng lakas paggawa ang unyonisado, habang aabot na lamang sa 5.6%
ang
kasalukuyang unyonisado na mga manggagawang Pilipino, at aabot na
lamang sa
220,000 na manggagawa ang mayroong Collective Bargaining Agreement sa
buong
bansa (Bulatlat, 31 August). Ang
mayorya sa mga new hiring ay para lamang sa limang buwan na kontrata at
ang
opisyal na minimum wage ay P382 ay hindi kayang sumuporta sa batayang
pangangailangan ng isang pamilya na mayroong anim na miyembro (P894) sa
araw-araw. Kaya naman ang tradisyunal na unyonismo, na itinatayo upang
magkaroon na istableng relasyon ang labor at kapital ay lipas na.
subalit ang
potensyal na lakas ng mga manggagawa ay hindi humihina. Libo-libong mga
manggagawa
ang nakakonsentra sa higit na 50 special economic zones, mga daungan,
at
sentral na business districts. Ang maka-uring aksyong manggagawa upang
patigilin ang mga industrial park mula Clark, Subic, Batangas at Cavite
hanggang Zamboanga at Davao; pagbaha ng mga manggagawa sa mga kalsada
na
magdudulot ng paghinto sa Makati, paghinto ng aktibidad sa mga call
center – ay
posible, subalit kailangan nito ang isang
rebolusyonaryo, hindi repormistang liderato. Maging ang mga limitadong aksyon ng
mga manggagawa
ay magpapakita sa mamamayang Moro at iba pang etnikong grupo sa
Pilipinas na
ang uring manggagawa sa Pilipinas ay sumusuporta sa kanilang pakikibaka
para sa
sariling pagpapasya. Naiintindihan ng maraming maka-kaliwa na hindi
ibibigay ng
rehimen ni GMA ang tunay na awtonomiya, lalo pa ang independensya sa
Bangsamoro. Subalit pinaniniwalaan nila na maipagtatagumpay ang
pakikibaka para
sa sariling pagpapasya sa ilalim ng isang “demokratikong” kapitalistang
rehimen. Kaya naman sa isang deklarasyon ng Cordillera People’s
Democratic
Front noong Agosto 25: “ang tunay na awtonomiya ay makakamit lamang sa
ilalim
ng isang tunay na malaya at demokratikong estado, Malaya sa
imperyalistang
kontrol, domestikong pyudalismo, at burukrata kapitalismo.” Subalit
kung susuriin,
ang kanilang sinasabi ay maaari lamang maganap sa ilalim ng paghahari
ng uring
manggagawa – walang hindi-burukratiko na kapitalismo o “pambansang”
burgesya na
malaya sa imperyalistang kontrol. At para sa mga Stalinista at
sosyal-demokrata
na repormistang kaliwa, bagamat nagsasalita sila ng pakikibaka para sa
sariling
pagpapasya, ay hindi tanggap ang posibilidad ng independensya para sa
Bangsamoro. Ang Liga
para sa Ika-Apat na
Internasyonal kasama ang mga kasama sa Pilipinas ay nananawagan na
“kilalanin ang
karapatan ng mga pinagsasamantalahang mga nasyonalidad sa independensya
(sariling pagpapasya) mula sa tila kolonyal na paghahari ng mga burgis
na
estado ng Indonesia at Pilipinas” at para sa “depensa ng mga rebelde at
pagkatalo ng mga military na opensiba laban sa mga mamamayan ng Aceh,
Moro at
Papua” habang nakikipaglaban para sa “pantay na karapatan ng mga
pambansa at
etnikong minoridad sa ilalim ng isang rebolusyonaryong estado ng mga
manggagawa” (tingnan ang “The
Class War in Southeast Asia,” The Internationalist
No. 17, October-November 2003). Ang mga Pilipinong Trotskyista ay
nakikibaka
para sa internasyonal na proletaryong
rebolusyon, at ipinagdiriwang ang aksyon na ginawa ng mga manggagawang
Amerikano sa daungan na nagpatigil sa operasyon ng mg daungan sa West
Coast
noong May 1, 2008. Ang pakikibka upang walisin ang papet ni Goerge W.
Bush na
si Arroyo ay maaaring magkaroon napakatinding epekto na lalagpas pa sa
hangganan ng Pilipinas. Habang todo
pagtanggi nito,
malinaw na ang mga puwersang militar ng mga Amerikano ay sumasali sa
kasalukuyang opensiba ng AFP sa Mindanao. Subalit ninanais rin ng
Estados
Unidos na may direktang pakikialam ito sa nakaraang negosasyon ng
gobyerno sa
MILF – kaya naman ilan sa mga nasyonalistang Pilipino ay nag-iisip kung
mayroong plano ang mga Amerikano na i-take over ang Mindanao. Sinabi ng
Center
for People Empowerment in Governance na mayroong “direktang linya ang
U.S.
military, kasama na ang access nito sa mga kampong militar, ng MILF” sa
pamamagitan ng Philippine Facilitation Project ng U.S. Institute on
Peace.
Dagdag pa nito, “itinatali ang MILF ng MOA-AD na kilalanin ang mga
pribadong
lupa na pag-aari, mga plantasyon ng mga korporasyon, at foreign
investments
partikular na ang likas yamang enerhiya, kasama na ang presensya ng mga
dayuhang puwersa sa Bangsamoro” (Bulatlat, 31 Agosto [2008]).
Kahit maka-kanan
na senador na si Panfilo Lacson ay nagtatanong sa palagiang pagbisita
ni US
ambassador Kristie Kelly, na naglalagi ng “120 na araw sa kabuuang 365
na araw
ng isang taon sa Mindanao” (Philippines Daily Inquirer, 9
Setyembre [2008]).
Kaya naman sa biglaang pagbabago ng desisyon ng gobyerno sa
pakikipag-negosasyon sa mga rebeldeng Moro, kinakailang ikonsidera lagi
ang
interes ng US. Isa na rito
ay ang interes ng
ExxonMobil sa paghahanap ng langis sa Sulu Sea. Dagdag pa, ang
Pilipinas ay
pang-apat sa pinakamalaking tumatanggap ng militar na ayuda mula sa US
–
pagkatapos ng Israel, Egypt, at Columbia – subalit kalian lang ay
naungusan ng
Georgia ang Pilipinas sa ayudang militar. Kaya naman hindi maaaring
sabihin ng
aksidente lamang na ang mga kliyenteng rehimen ng Estados Unidos sa
Columbia,
Georgia at Pilipinas ay naglunsad ng halos magkakasunod na atakeng
militar
laban sa mga lokal na kaaway nito (ang atake ng gobyerno ng Columbia sa
mga
rebeldeng FARC noong Marso, ang hindi matagumpay na atake ng mga
tage-Georgia
sa sinusuportahan ng Rusya na Ossetia noong umpisa ng Agosto at ang
opensibang
militar ng Pilipinas laban sa mga Moro nitong katapusan ng Agosto).
Malinaw na
nais ng nasa White House at mga taga-Pentagon na kailangang umatake na
ngayon,
maging ang layunin ay mahatak ang atensyon mula sa kumunoy na
kinalubugan ng
Estados Unidos sa Iraq at Afghanistan, o kaya nama’y palakasin ang
tsansa ng
Republikanong “mandirigma” na si John McCain, o kaya ay panghuling
hirit ng
administrasyon nina Bush-Chenney. Isang
atakeng nukleyar ng
Estados Unidos/Israel sa Iran ay maaari ring maging posibilidad.
Subalit anuman
ang dahilan, ang aksyon ng mga manggagawang Pilipino upang pigilan ang
mga militar
na plano ni Arroyo ay maglalagay ng martilyong babara sa tila
de-makinang
planong pandigma ng Washington. Upang
ang
pakikibaka ng mga etnikong mamamayan para sa sariling pagpapasya at
independensya na magpapalaya sa kanila sa hindi masukat na kahirapan at
opresyon kung saan pinako sila ng kapitalismo, ang susi ay ang pagbubuo
ng nukleyo
ng isang tunay na Leninista-Trotskyistang partido na makikipaglaban
para
rebolusyong manggagawa sa Pilipinas at sa buong Timogsilangang Asya, sa
ilalim
ng pakikibaka upang muling itayo ang Ika-Apat na Internasyonal bilang
pandaigdigang
partido ng sosyalistang rebolusyon. ■ To contact the Internationalist Group and the League for the Fourth International, send e-mail to: internationalistgroup@msn.com |
|